Thursday, March 5, 2009

Magic Wand - "Hiwaga ng Sobre"

"If the misery of the poor be caused not by the laws of nature, but by our institutions, great is our sin."


-Charles Darwin

Magdadalawang dekada narin akong sumasakay sa jeepney. Ang karaniwang transportasyong ginagamit ng pobreng si Juan para makarating sa paroroonan. Mahigit pitong dekada ng nakikipagsapalaran sa kalye ng Pilipinas. Suot lang ang baluti ng kultura at pananggalang prinsipyo't paniniwala. Pero depende rin pala sa piloto ang magiging tema ng kanyang ikalawang bahay. Paminsan minsan ang tema at dekorasyon ay pampamilya. Makikilala mo na nga ang asawa, mga anak at alagang aso ng tsuper. Kadalasan nakalagay pa ang pangalan ng lolo, lola, tito, tita, ninong, ninang, tatakbong mayor, paboritong presidente at re-elect na aso. Kung masipag manaliksik maaring ang isa sa nakalagay sa mga dingding ay kiridang kalive-in ni Manong. Astig...


Bukod sa mga pangalan ng mga kamag-anak at pagiging sweet lover, mababanayad mo sa kanyang jeep ang mga religious icons. Aakalain mong nasa simbahan ka at si Manong ang nagmimisa. Boy scout si Manong driver na laging handa sa mangyayari. Makakapagdasal ka na nga rin ng taimtim kung sakaling iliko ni Manong sa langit ang destinasyon mo. Makakapagkumpisal ka na sa mga kasalanan mong ginawa tulad ng pangongodiko sa subject ni Mam Konsintidora, ang pagtetext mo ng bastos na joke sa crush mo at higit sa lahat ang paghiling kay Bro na sana mamatay ng makatao ang propesor mong halimaw magpagawa ng proyekto.


Maliban sa mga nasabi sa itaas. Ang pinaka-importanteng matututuhan sa loob ng sasakyang ito ay ang mas lalong magiging bukas ang iyong mga mata sa tunay na lagay ng lipunang kinatatayuan ng mga paa mo. Hindi it ang araw araw na traffic marathon na pinoproblema ng MMDA., hindi rin ang kilokilometrong daan na parang hinambalos ng intensity 7 na lindol, at siguradong hindi ang mga nakakairitang billboards ng mga politikong papogi na dalawang taon palang bago mag halalan nangangapanya na. Bagamat representasyon ang mga nabanggit sa usad pagong na ekonomiya at (marumi) napakaruming pulitika ng bansa. Hindi parin ito ang tuwirang magmumulat sa mga matang nabubulagan ng urbanidad at kunong pag- unlad.


"Manong Para!!!"


"Teka bayad mo!!!"


"Aaayy pasensya na ho!!! Heto po estudyante!!"


"Lulusot ka pa!!!"



Sa pagkatagal tagal kong paghihintay ng masasakyan, sa wakas naidikit ko na ang puwet kong ngawit na ngawit. Ganito pala ang pakiramdam na makisabay sa rush hour. Para ka lang nakikipagtrip to Jerusalem. Bawal ang babagalbagal kumilos dahil mauubusan ka nang mauupuan. Kung gusto mong makasakay agad. Kakailanganin mo pa ang "wrestling manual" ni Hulk Hogan at kapal ng mukha ng mga politiko. Bawal ang gentleman kapag nagmamadali ka dapat handa kang makipagbalyahan kahit sino pa yan.


"Isa pa sa kanan... dalawa pa sa kaliwa... Urong pa ho Manong... Uso po sa Jeep ko ang walang hingahan..."


Sa kabilang banda masarap sa pakiramdam kapag nailapat mo na ang puwet mo sa upuan ng jeep. Matapos ang pakikipagbuno at matikman ang siko ng kapwa mo pasaherong handang makipagpatayan para makapasok sa sagradong jeepney ni Manong... dadating din sa punto na "You can kickback and relax.."


Buenas na ring maituturing ang nasakyan ko kahit na isa sa kapwa ko pasahero ang may naagnas na kilikili. Music lover si Manong driver kaya may libreng tugtog. Halatang tagahanga si Manong ng estasyon ng radyo. Kasi kahit na hindi musika at DJ lang ang nagdadadaldal ng walang habas at tumatawa na parang end of the world na bukas, hindi parin niya nakuhang ilipat ang pinakikinggan. Lihim na ngumingiti si Manong habang nakikinig ng radyo. Yun nga lang pinoblema ko pa kung natatawa ba siya sa joke na binabagsak ng DJ o sa tawa nitong nakakatawa naman talaga.


Tigil ng apat na minuto... kaunting andar na 2 minuto. Trapik na naman!!! Wala nang natutuwa sa loob ng jeep. Kahit si Manong driver ay naka-isnib narin ang bibig. Wala ng epekto sa kanya ang mabangis na tawa ng parang lokaret na DJ. Lahat ay nakasimangot na, lahat badtrip, lahat nayayamot, lahat nagmamadali!!!... Milyong piso ang nalulugi sa mga kumpanya dahil sa mga nahuhuling materyales, legal na dokumentado at mga late na empleyado. Maraming nabubulyahan ng mga boss at kung minsan ang minamalas dahil sa trapik ay natatanggal. Ayan lang naman ang maliit na epekto ng heavy trapik.


"Baba na po kayo... Sobrang trapik ho kasi... malapit na naman po ang bababaan... limang kilometro nalang naman ho..."


Makatapos makalagpas sa isanlibong intersection ng jeep ni Manong, natapos na din ang deliryo at usad pagong na andar ng sasakyan. Nabawasan ang kakumpetensya sa espasyo ni Manong kaya nabawasan narin ang tensyon sa loob ng jeep. Bumalik na ang sigla ni Manong at nakakangiti na sa mga Joke sa radyo... Ang mga kapwa ko pasahero naman ay may kanya kanya ng mundo. Abalang abala sa pagtawag sa boss dahil malelate sila at ang iba nama'y nagtetext sa kautuan para libangin ang sariling pagkabagot. Na out of place pa kami ni Manong driver dahil kaming lang dalawa ang walang cellphone. Lahat ng pasahero maliban sa akin ang abala sa pagpipindot. Jackpot ang holdaper na pumara sa jeep dahil bigatin ang cp ng kasama ko ngayon. May de-kulay, may de-cam, may mp3, may de-stick. Bonus pa ang mp4 ng magandang dalagita sa harap ko... Tiba tiba si Manong Holdaper nito. Kikita siya ng 35,000 mahigit na diplomasya at kaharasan lang ang dala-dala sa bulsa. Ganyan pala kadali kumita ng pera. Dehins mo na kailangan ng diploma o anumang papeles na nagpapatunay na tao ka at di alien. Hindi mo na rin kailangan magbitbit ng sariling upuan sa tuwing iniinterview ka ng kapwa mo uto-uto. Swerte, lakas ng loob at liksi lang ang puhunan. Saan ka pa!!??

Bumaba ang dalagitang may mp4 at sumakay naman ang batang madungis. Parang walang magulang ang bata sa itsura niya. Mula ulo hanggang paa madumi. Siya ang batang bersyon ng taong grasa. Siguro dalawang dekada ang makalipas isa na rin siyang ganap na taong grasa. Inabutan ako at kapwa kong de-cellphone ng sobre. Sa likod ng legal size envelope may nakasulat na "Kahit konting barya para sa maysakit kong kapatid." Naantig ang damdamin ko sa nakalagay sa likuran ng sobre. Pero ako lang yata ang nagtiyaga na magbasa sa hiling ng kawawang batang taong grasa. Abalang abala kasi sa kakatext ang mga kasama ko sa jeep. Nakakahiya naman sa kanila kung iistorbohin ng batang nanghihingi lang ng maliit na barya.

Dahil sa awa, napahugot ako ng trenta pesos sa bulsa para ibigay sa bata. Pero bago ko pa man maiabot ang mumunting barya naitanong ko sa kanya kung kaya niya bang basahin ang nakasulat sa likod ng sobre. Sinubukan ng batang intindihin ang hiling niya sa likod ng sobre. Pero bigo siyang masagot ang simple kong katanungan.. Kung bakit niya kailangan ng barya? Sa aking pagkadismaya inabot ko sa batang taong grasa ang sobreng walang laman. Sinundan naman ng abalang abalang mga kapwa ko pasahero. Tulad ko, bakanteng sobre ang inabot nila sa kaawa awang bata. Sa kanyang pagbaba sa jeep na pugad ng mga makukunat na tao, lumipat siya sa kalapit na jeep , baka dito suwertehin siya.

Kung mabigyan ko ng pera ang bata may magbabago ba? Maaring ang maliit na halagang yun ang makabili ng ulam at kanin sa araw na yun. Pero bukas paano na? Habang buhay ba silang manghihingi? Ang kinakatakot ko sa lagay ng bata ay kung alipin ang kanyang murang pag-iisip ng mga sindikato. Malaki ang posibilidad lalo nang hindi pa masolusyunan ng manhid na pamahalaan ang problemang 500 taon ng nakabitin sa pagkatao ni Juan. Paano kaya kung makaipon ang boss ng sindikato at gamitin ang perang naipon para sa pagtakbong pangulo. Presidente na ang boss at gagawin niyang mas malaking sindikato ang gobyernong sindikato na dati. Pero ang batang taong grasa ay nasa kalye parin at pumapara ng jeep.

Inflagrante de licto