ALAMAT NG MAHIWAGANG MIKROPONO 3
Tumba ang tatlong ungas, panalo si Loglog sa digmaan. Maliban sa akin, hindi parin bumibigay ang kahalihalinang prinsesa. Kung sa bagay huli siya ng apat na oras sa tagayan. Inabot din ng pitong oras bago ma-knock-out ang prinsipe ng mga syokoy at kanyang dalawang alipores. Kung nahabaan kayo sa tagal ng inuman namin, wag mong isiping malakas akong uminom ng alak. Ang totoo nga nyan, bukod sa sobrang tagal tumagay ng mga ungas, gumamit din ako ng strategy para maka-survive sa laklakan. Wika ng mga partisipantes sa "Fear Factor"... Strategy!!! Mabisa yata ang kunyaring tagay strategy kaya hanggang ngayon alive na alive and kicking pa ako. Hindi tulad ng prinsipe na lasing na lasing at walang malay tao. (Teka parang hindi akma, tama yatang malay syokoy)
Wala na ang mabagsik na kuya. Tulog narin kasama niya ang dalawa niyang alipores na magiging kaagaw ko sa pagpapacute sa prinsesa. Right timing na para isagawa ang banal na hangarin. Wala ng sagabal, wala ng hadlang... Nagwagi na naman ako sa mga hangal na ito... Bwahaha!!!
Getting To Know Each Other???
Bago mo makilala ang tao, kailangan mo siyang kausapin ng personal. Hindi mo na kailangan magtanong sa iba, mauuwi ka lang na mapanghusga tulad nila. Nakuha kong makilala ang prinsesa sa aming maigsing usapan. Ni isang sagabal ay walang humarang sa aming talastasan. Mahimbing ang tulog ng kuya niya kaya madali kong nabuksan ang mga paksa tungkol sa kanya. Masarap kausap ang prinsesa dahil sa likas niyang pagiging madaldal ngunit may laman. Matalinong kausap ang prinsesa. Dami kong natutunan at nalaman tungkol sa kanya. Kahit minsan bobo akong kausap, napagtatyagaan parin niyang ipaliwanag ang mga bagay na nagpapagulo sa akin. Turn on kasi ako sa madadaldal na may laman. Turn-off naman ako sa madaldal na ang alam lang yatang pag-usapan ay mga mamahaling pabango na esteyt sayd, make-up, sabon, usong sapatos, usong damit, sikat na hollywood artist, in na in na unit ng cellphone... blah! blah! blah! blah! blah!... Makikita mo nalang akong tutungotungo at naglalaway ang bibig. Biglang aantukin at nanaisin nalang na kausapin ang butiki sa kisame ng bahay namin kaysa sa iyo.
Tulad ng nakagawian ng lahat, lalake ang nagbukas ng usapan. Ako ang nag umpisang nagparamdam sa aming dalawa. Syempre ang paksa ay simula muna sa scratch. Inumpisahan ang usapan sa misteryosong laman dagat... Ang kuya!!!
Mabait daw ang kuya niya ayon sa prinsesa. Kahit na minsan ay sobrang protective daw ng syokoy, hindi naman humahantong sa pakikialam sa buhay niya. Basta ipakilala niya muna ang nobyo sa kanyang kuya. Kikilitasin naman ng syokoy ang bf ng prinsesa na parang bumibili lang ng isda sa palengke. Dadamahin kung frozen o bagong katay. Ganyan ang kuya niya.
Matapos ang pagsasabit ng sampaguita sa leeg ng kuya. Iba't ibang hindi importanteng paksa ang napag-usapan. Sa mga paboritong music genre, nakakaantig na buhay pag ibig ng prinsesa, nakayayamot na buhay pag ibig ng prinsipe at nakakabaliw na argumento tungkol sa pagkakaiba ng pinto sa pintuan. Marami pa kaming pinag usapan pero dahil sa kalasingan ko, dehins ko na naalala ang iba.
Inabot din ng tatlong oras ang kwentuhan marathon. Naririnig ko na rin ang tilaok ng mga manok. Ibigsabihin nalalapit na ang paggising ng kuya. Agaran ng mapuputol ang aming pinagsamahan kapag nagising na ang tatlo. Hindi na ako basta basta makakadikit sa prinsesa dahil nakabantay na ang prinsipe ng mga syokoy. Badtrip!!!
Buti nalang ay di ako nagdilang anghel. Nakikisama ang lasong ininom nila kanina. Wala ni isa ang bumangon. Ang tatlo'y nananatiling nakikipagsapalaran sa mundong likha ng imahinasyon at latak ng alak.
Salamat monosodium glutamate (a.k.a vetsin) Maasahan ka talaga kahit kailan...!!!
To be continued...