Monday, August 31, 2009

Teka! Anong sabi mo? Ano daw?

Line Bus Pictures, Images and Photos

"Pare, isa kang totoong tao at walang halong kasinungalingan.
In English, FACT you, pare. Totoo ka. In English, FACT you!"
-Bob Ong

Putris naman!! May dalawang segundo palang nakalapag ang mga paa ko sa bus nag-full throttle agad si Manong. Muntikan tuloy mahiwalay ang kaluluwa ko at dalawang alipores na nagpapanggap na aking tagapagbantay. Buti nalang todo kapit ako sa mga oras na yun. Kung hindi ako nagkapit tuko tulad ng ginagawa ng mga politiko siguro tatalsik ang guardian angel at kapartner niyang demonyo.

Dahan dahan kong tinahak ang makipot na daanan habang nakakapit sa mga bangin banginan. Kailangang humawak ng maigeh, mahal ko pa ang buhay ko. Higit dun ayaw kong umitsa din sa ere ang dalawa kong tagapagnatnubay. Nagpapalagayan na kasi ng loob ang dalawang ito. Mahirap na kapag nawalay sila sa isa't isa. Uso pa naman ang emo ngayon baka kung ano pang gawin ng dalawang ungas na langit at ilalim ng lupa ang drama. Kargo konsensya ko pa!!!




Matapos ang walong hakbang, narating ko na rin ang trono ko. Walang nakaupo kaya pumuwesto agad ako sa malapit sa bintana. Noon pa man, ito na ang paboritong lugar ko sa bus. May genetic make-up kasi akong usizero. Di lamang dumadaloy sa dugo ko ang pagiging tsismosa. Mismong nasa DNA na ang ugaling mapagmasid na minana ko pa sa pagiging Pilipino.

Kulang nalang popcorn at full screen cinema na ang bintana. Maraming interesanteng makikita kung titingin ka lang. Mas masaya pa sa mga napapanood mo sa TV na iyakan, lumilipad na naka-bathing suit, mapaghimalang bata , mga balitang pangbansa na tampok ang mga artista. at showbiz intriga na politiko ang bida. Hindi lutong makoy dahil mga totoong tao ang bida. Sa katunayan marami narin akong karanasan na makapanood ng mga dekalidad na pelikula sa bintana. Masikip ang kalye at sobrang usad pagong ang andar ng trapik kaya nasundan ko ang galaw ng artista sa labas. Maganda ang kwento niya, magaling pa siyang umarte. Totoong totoo talaga... Ang bida ngang iyon ay papangalanan nalang nating si lalake. Kanina pa tingin ng tingin sa oras ang bida nating ito. Ewan ko kung anong problema niya at parang naghahabol siya sa oras. Yun nga lang nabisto ko si lalake na di naman talaga late sa trabaho. Pasimple niya kasing pinipisil ang puwetan niya. Tapos lingon sa kanan at tingin sa kaliwa. Putlang putla pa si lalake kaya malamang na hindi maganda ang nilalaman ang tiyan niya.

Ang isa pang dekalibreng palabas na napanood ko sa bintana ng bus ay tungkol din sa isang lalake. Di ko alam kung baliw siya o sobrang walang kontrol lang sa pag iinit. Aba naman nag-aano sa bangketa... (wag ng ituloy ang pagbabasa kung 17 pababa ka lang, pero kung wala naman ang magulang sige pagpatuloy mo lang) Yung tipong pinaglalaruan ang ari niya. Hindi naman mukhang baliw ang lalake yun nga lang parang gago ang ginagawa niya. Saan kaya niya pinahid ang kwan? Kawawa naman yung mga kwan na yun. Isipin mo 30 milyong kwan ang nagsakripisyo para sa ikaliligaya ni lalake... haayy!!! Para sa LUST...

Ngunit ang araw yatang ito ay masasabing malas. Walang magandang palabas sa bintana. Puro billboards, MMDA na nag-aamok sa mga tsuper na pasaway, tumatawid na estudyante sa street lights na green, umiiyak na bata dahil ayaw ibili ng laruan, nobyong nakaakbay kay nobya at billboards,billboards... BILLBOARDS!!!

Wala akong nagawa kundi humikab na lang. Walang kakaiba sa mga oras na ito... Wala wala...

Nilipat ko sa ibang bahagi ang aking paningin. Hindi naman kasi kaganaganang panoorin ang mga tao sa labas baka dito sa loob... mga busmates ko... may magandang scoop... UZIMODE!!!

Lumunok laway at humikab. Lumunok uli ng isa pa... Badtrip mas nakakabagot pa pala. Ang mga pasahero ay kung di nakatingin sa kawalan, cellphone ang tinititigan. "Institutionalized" na talaga ang tao sa daigdig. Para ng mga robot na nakaprogram kung ano ang gagawin.

Mukha yatang hindi buwenas ang araw na iyon.. patay ang oras... As in literal na parang patay ang mga kasama ko... Haayy buhay...

Ilang sandali lang, binasag ni Manong driver ang katahimikan sa loob ng sementeryo este bus pala. Walang pakundangan niya hininto ang bus na itinalsik ng ulo ng mga pasaherong di ko alam kung buhay ba o patay. Galawan lahat ng ulo ng mga pasahero ngunit wala silang kimi sa mga nangyayari. Si konduktora naman ang sumunod na bumasag sa katahimikan at sumigaw ng "SM daw SM daw kung may bababa."

Walang nagtangkang lisanin ang Bus ni Manong... Walang bumaba sa mga pasahero pero may isang umakyat. May hawak siya na puting sobre. Kumpara sa ibang nilalang na nanghihingi ng donasyon, kakaiba siya dahil iisa lang ang daladala niya. Karaniwan kasing sangkaterbang sobre ang daladala ng nanghihingi sa mga pasahero. Minsan nga daig na daig nila pa ang mga kartero dahil sa dami ng bitbit na envelope.

Teka parang alam ko na to' ha... MODUS...!!!

Gumitna ang may hawak ng sobre sa mga patay na pasahero. Binuka niya ang bibig niya't may boses na malungkot na lumabas. Nanghihingi ito ng tulong, ng kaunting barya sa amin. May kanser daw sa utak ang kanyang anak. Nangangailangan daw ito ng agarang operasyon dahil kung hindi maagapan baka huli na ang lahat. Ramdam mo di lang sa mukha niya ang dinadalang pasakit, pati sa pananalita kukurutin ang puso ng mga tagapakinig.

Maraming sinabi ang amang humihingi ng tulong pero di ko na naintindihan ang mga bagay na iyon. Basta humugot nalang ako ng bente pesos sa bulsa. Siguro naman ang maliit na halagang ito'y may maitutulong na din.

Marami ding mga pasahero ang naglabas ng kanilang maliit na tulong para sa lalake. Akala ko nga ako lang ang magbibigay dahil sa pinapakitang patay patayan ng mga kasama ko. Ang ila'y nagbigay ng kanilang natitirang barya at ang iba'y papel na pera. Magkakaiba nga ang halagang iniabot sa kawawang lalake pero nagkakapareho naman ang lahat ng hangarin. Ang pusong Pinoy na pagtulong sa nangangailangan. Buhay pa din pala ang inaakala kong "extinct" (o siguro endangered nalang) na ugaling bayanihan. Nananatili pa din pala ito sa kaibuturan ng damdamin ng mga Pilipino.
Tuwang tuwa ang lalakeng may hawak ng sobre sa pinakitang pagmamalasakit ng mga tao. Inabot niya na may kagalakan ang tulong ng mga tumutulong at nanalig sa ikakagaling ng kanyang anak. Nagpasalamat sa mga nagbigay at nilisang masaya niya ang bus.

Nang makababa ang lalake sa bus tsaka namang biglang may umeksena. Siya ang babaeng konduktora. Sinabi ni Aleng Konduktora sa amin na ang lalake kaninang humihingi ng donasyon ay manloloko sa madaling salita... nanggantso kami ayon sa kanya.

Dagdag pa niya na noon daw nakaraang linggo ang lalake ay umakyat narin para humingi. Ngunit hindi ang anak na may kanser ang ipananghihingi niya kundi ang kapatid niyang naaksidente. At kahapon lang daw, ginawa niya ulit ang kanyang modus at ang pinangsangkalan ang kanyang ama niya para kumita. Mahirap namang paniwalaan na sobrang miserable ang buhay ng mag anak na ito. Saka kung totoo ang sinasabi ng lalakeng may sobre bakit hindi niya pa sabay sabay na ipinanghingi ang tatlong niyang mag anak. Bakit isa isa pa?

Pabirong pagpapatuloy ni konduktora na baka ang kabit daw na may breast cancer ang sunod na ipanghingi nito...

Nagpintig ang tenga ko sa mga pinagsasabi ni Aling Konduktora. Hindi ko napigilan ang sarili kong barahin ang mga dakdak niya. Nasigawan ko siya at sinabing...
"Loko loko ka pala. Alam niyo na palang manloloko ang umakyat kanina kinunsinte mo pa!!! Tapos nang umalis saka ka nagsasatsat na naloko kami . Kung kailan wala na ang manloloko at naloko na ang mga nagpapaniwala."

Hindi na din napigilan ang ngitngit ng mga kapwa ko pasahero. Nilabas din nila ang badtrip sa nag expose na tanga kami.

Sa sobrang kahihiyan hindi na nakuha pang umimik ni Aling Konduktora. Sayang ang expose kung di niya lang sinabi ng maaga. Imbes na bayani siya sa mata ng marami naging kontrabida pa.

Ang masamang naging epekto nito sa mga tao sa bus ay di lamang nawala ang perang sanay napunta sa makabuluhang bagay. Hindi lamang ang halaga ng salapi ang isyu dito kung di pati narin ang gawaing pagtulong sa nangangailangan ang nabahidan na ng pag aalangan. Sino ang gusto ng tumulong kung mababalahura ka lang ng tutulungan mo?

Manong dito nalang.... Aling Konduktora FACT YOU!!! In tagalog totoo kang tao...

Tuesday, August 25, 2009

Cory magic!!


“I would rather die a meaningful death than to live a meaningless life.”
- Corazon Aquino


Sa gulang na pitumpu't anim pumanaw ang ikalabing isang pinuno ng Pilipinas. Kauna-unahang babaeng lider ng bansa. Ang hindi inaasahang personalidad na lalaban at magpapabagsak sa pamahalaang diktadurya ni Marcos. Sa edad na limampu't tatlo pinaluhod niya ang administrasyong nanungkulan ng dalawampu't isa. Edsa revolution na taas noo mong pinagyayabang sa buong mundo, siya ang nanguna.

Ngunit sa kabila ng maraming papuri at pagsasabit ng sampaguita sa leeg ng dating pangulo, hindi na maalis ang katotohanang tayo tayo nalang ang magkakatuwang sa pangangalaga ng kanyang iniwan. Ang demokrasyang tinatamasa mo ngayon.

Wala na si Tita Cory, matagal na rin wala si Ninoy. Pero ang kanilang kawalan ay di nangangahulugang tapos na ang laban. Siguro dito pa nga nag uumpisa ang lahat ng hamon kay Juan. Nabawasan nga tayo ng isang napaka-importanteng simbolo ng demokrasya ngunit sa kabila ng malaking kawalan may milyon-milyon ulo pa rin ang buhay at gumagana. Ulong siksik ng karne. Karneng dapat pigain para sa nasyon. Bansang may malayang lipunan.

Tapos na ang pagluha, umpisa na ng totohanang pakikibaka. Binaril na sa himpapawid ang dalawanpu't isang bala. Heto na game ka na?

Handa ka na bang harapin ang pagbabago. Ang paparating na high tech na eleksyon sa 2010. Ang pagbabantay sa pamahalaang Arroyong tila gusto pang mag-round 3. Ang walang kabuluhang pulitika na puno ng bwiset na pulitika. Mga kaguluhan sa Mindanao at sa mga bulubundukin ng bansa na may pulang bandila. Ang mga walang makaing Pilipino... mga milyon milyong pisong campaign ads sa mga politikong handang sirain ang reputasyon ng kapwa niya politiko. Mga imbestigasyon sa senado na may palagiang kinikilingan. Ang bayang watak watak. Ang bansang tinitirhan mo. Ang dating Pilipinas na nagkaisa noon para sa demokrasya. Ang Pilipinas ngayon na nagkawatak watak dahil sa personal na interes ng bawat isa.

Handa ka na bang harapin ang pagbabago. Kung oo maramat na simulan mo. Hindi yung makikiride ka lang dahil uso ang pagiging makabayan tuwing may Edsa revolution o kaya tuwing nalalapit ang eleksyon.

Kung isa ka naman na nag aasam na baguhin ang karamihang nabuhay na walang pakialam. Wag mo nang asamin ito. Wag mo ng pangarapin na magbago ang mga mamayang walang pakialam, manggagantsong empleyado ng gobyerno at walang hiyang mga politiko.

Kung gusto mo ng pagbabago, hindi mo na kailangang muramurahin ang mga politikong binoto mo noon at ayaw mo ngayon.

Simple lang naman ang pagbabago!!! Nag uumpisa ito sa ungas na katulad mo. Patunayan mo muna sa sarili mo na kaya mong magpakabuti. Matapos mong masagawa ito, ang lahat ng ungas na katulad mo ay susunod sa sayo. Isa isa silang maggagayahan sa katarantudahang ginawa mo. Siguradong uunlad na ang Pilipinas at higit sa lahat... hindi na nakataas ang kilay ni Tita Cory... at higit sa higit sa lahat... nasisigurado kong nagtatalon iyon sa tuwa... Kasama si Ninoy na di na nakapalumbaba...


Monday, August 17, 2009

Ano daw?

"Hila mo, kadyot ko" - Manong Driver


Iniiwasan kong malagi sa mga matataong lugar sa oras ng rush hour. Hassle naman kasing sumabay sa limpak limpak na papasok o papauwi ng eskwela at trabaho. Sobrang hirap sumakay na requirements mo pang maniko ng kapwa mo wrestler para lang maka angkas. Minsan pa nga'y inaabot pa ako ng 10 years bago mapara ng sasakyan. Kahit ba na nagkabuhol buhol na ang trapik sa dami ng mga pampublikong sasakyan, wala pa rin itong panama sa dami ng mga pasaherong handang makipagpatayan para makarating sa paroroonan.

Punuan ang mga jeep, buhol buhol ang trapik, daan daang nag-aabang ng masasakyan. Ang iba para makasakay lang sumasabit sa likuran. Naaalala ko tuloy ang mga kaeskwela ko noong High school. Bisyo na nilang umangkas ng libre sa jeep. Kadalasan nga ay kahit walang sakay na pasahero si Manong driver ang mga tulisan ng kalsada ay sapilitang sumasabit. Kaya kapag nagtagpo ang mga tsuper at mga "daring" na sabitero na handang ialay ang kanilang buhay para sa propesyong ito, wala ka ng magandang maririnig kay manong driver. Luluha ang mga anghel at magpipiyesta ang mga demonyo sa mga lalabas na mabulaklakin sa bibig ng galit na galit na walang kitang tsuper. Ngayon, alam ko na kung bakit one two three ang tinawag sa dakilang gawain ng hindi pagbabayad. Isa dalawa tatlo takbo!!!..
Higit labing limang minuto din ang binuno ng mga binti ko sa pag aabang ng masasakyan at sa pagkatagal tagal nadinig narin ang panalangin kong makaangkas. Ayos naman ang paunang bati ng jeep ni Manong driver. "God is good all the time". Ok na sana ang "ambiance" ng pasukan ng otto. Yun nga lang sampu ang nakapwesto sa kanang bahagi ng jeep at labing isa naman sa kabila. Nagmistulan tuloy na mga isdang walang ulo ang mga pasahero at malaking lata naman ang jeepney ni Manong driver. Pampublikong sasakyan na sana'y pang siyaman nagiging onsehan. Hanep talagang humapit ang mga Pinoy tsuper. Napaka-"resourceful". Overloading ang lata pero wala na tayong magagawa. Matinding pangangailangan na makasakay kaya kinagat ko nalang ang salestalk ni Manong driver na "Isa pa sa kanan, konting usog lang ho."
Para ho!! Tigil si Manong Driver... Baba ang tatlong pasahero... Lumuwang ang jeep.. Humarurot ang sasakyan... May pumara uling tatlo... Tigil si Manong... Sakay naman ang tatlong nagmamadaling "late" na empleyado ng gobyerno... Ngumiti si Manong dahil dagdag kita... Simangot naman sina pasahero kasi balik buhay lata...


Siksikan na nga ang loob ng jeep, bigla namang nakisabay ang kalsada. Heto ang ayaw ko kapag malapit ka na sa intersection. Sobrang bagal ang takbo ng mga sasakyan. Nagmistulan na ding sardinas ang mga kotse, mga jeep, motor at ilang maliliit na trak. Lata na ang daan at ang usok ay nagsilbing sauce. Ang paligid ay maiinit, mausok, maalikabok at maingay. Ito ba ang sinasabi nilang urbanidad at pag unlad.

Sa kaliwa ng sinasakyan namin ay makikita ang pampasaherong jeep na may kaparehas naming pasanin. Lahat ng mga pasahero na tulad namin ay nagsusumiksik, lahat amoy pawis, lahat mainit ang ulo. Sa kanan naman ay may trak ng gobyernong naglalaman ng mga bakal na gagamitin yata para sa pagpapatayo ng gusali. DSWD Do not delay ang sticker na nakadikit sa salamin ng trak. Sa likuran, may pribadong sasakyan na kanina pa busina ng busina. Tensionado na ang maraming taong naapektuhan ng trapik na di inaasahan sa oras na iyon. Badtrip ang marami na sabay sabay na nagmumura . Ang mga tsuper ng jeep, mga may sariling sasakyan, mga naiinip na pasahero at maging ang mga sasakyan ay inis na din kaya walang tigil ang beep beep...!!!

Makalipas ang sampung minutong pagka-istranded may dumating na tow truck. Kaya naman pala, may kotse na tumirik sa gitna ng kalsada. Ang masama hindi lang isa ang huminto at nagdulot ng malaking problema. Tatlong magkakasabay ang tumirik sa gitna ng kalye. Siguro tatlong tangang driver na nakalimutang pagasolinahan ang otto nila o baka naman dahil sa sobrang init ng panahon, nag overheat ang makina. Pero di na rin siguro mahalaga sa mga nabiktima ng trapik kung ano ang dahilan ng pagkakahinto ng halos tatlumpung oras ang biyahe. Ang importante sa kanila (at sa akin din) na makaandar nalang. Kaunti nalang ang umisyoso dahil wala namang nagnais na lumabas pa sa sinasakyan nila para tingnan lang ang kapalpakan ng tatlong taong ito.

Unti unting bumilis ang andar ng mga sasakyan. Nabawasan na din ang mga nakasimangot ngunit may mangilan ngilan paring naka-mahal na araw "image." Hindi naman kasi mawawala agad ang pagkabanas ng mga naapektuhan ng trapik. Halos tatlumpung minuto din ang hinintay ng mga ito (kasama ako) bago masolusyunan ang nakabalandrang mga kotse. Pero "the show must go on narin siguro!!! Humaharurot na ang mga sasakyan, tapos na ang unang pagsubok sa araw na iyon na haharapin ni Juan Dela Cruz. Yung iba bumalik na sa dati nilang mga gawi. Ang mga kababaihan ay nagsisipagsuklay na ng mga buhok, pulbos ng mukha, blush on sa pisngi at tingin sa salamin. Ang kalalakihan naman ay tingin ng oras, pag-aararo ng buhok gamit ang kamay, tingin sa katabi at pagkukuyakoy ang pinagkakaabalahan.
Manong dito nalang!!!
Sa wakas natapos narin ang paglalakbay ko kasama si Manong Driver at ang astig niyang jeep. Isa pa uling pampublikong sasakyan ang dadamahin ng puwet ko... Ang bus!!!

Madali naman akong nakatagpo ng bus dahil kanya kanya ng agenda ang pinuntahan ng mga kapwa ko pasahero. Di na gaanong kahirap kumpara kanina na naghimala lang yata kaya ako nakasakay. Nanalangin kasi ako kay Bro (Elow santino?), buti naman pinagbigyan niya ako. Pero hindi tulad ng hiniling ko sa kanya na maghulog galing sa langit ng jeep na walang lamang pasahero. Iba ang ibinigay niya na di alinsunod sa hinihiling ko.
Nagdedemand pa ako sa Dyos na sana walang pasahero ang ibinigay niya. Dapat nga nagpasalamat nalang ako dahil hindi niya sinunod ang panalangin ko na sana ihagis niya ang jeep sa lupa. Harinaway hindi niya ako ganoong sinunod.
Pero baka naman hindi naman talaga ako ang humiling ng jeep na yun. Sa tingin ko nga yung aleng katabi ko na kanina pa Dyos ko po ng dyos ko po sa tabi ko habang nag aabang ng masasakyan. Mas malakas yata siya kay Bro kaysa sa akin.. Tampo ako dun ha. Pero mabuti naring si Aling OMG at hindi ako na may sayad ang mas pinakinggan ni Bro. Isipin mo nga naman kung ako pa ang dininig niya ng panalangin siguradong may malaking trahedya akong masasaksihan. Makikita ko nalang ang sarili ko sa TV na nakahandusay sa bangketa. Tapos ang balita ang sagwa ng pamagat. Lalake nabagsakan ng jeep Dedo!!!

Ano Daw? May kasunod pa siya... da end na muna kunyari..

Amen!!!

Inflagrante de licto