Monday, July 13, 2009

Alamat at Historya

Chapter 1 "Ab initio"
PART 1: Tao ka lang, Diyos ako

"Ang alamat ay isang napakalaking salamin na repleksyon ng kasaysayang nababahidan ng malungkot na katotohanan. Ginawang hindi kapanipaniwala para sa ikakapalakpak ng mga hangal" -Loglog




Ayon sa alamat may sagrado at marangal na yungib sa Pilipinas na balot ng paghanga at dangal. Ang kweba ngang nabanggit ay pinupuri at nirerespeto ng mga sinaunang Pilipino. Kadalasan nga'y tinuturing na itong panginoon dahil naniniwala ang iba na nasa bunganga ng kuweba ang kasagutan sa problema nila. Sa iilan naman nagsilbi na ang kweba bilang kanlungan ng pag asa ng mga walang pag asa.


Ito ang solusyon!!! Ito ang sagot!!! Ang nilalaman!!! Ang nilalaman!!!


Ang nag iisang sagot sa milyong problema ng bayan ng mga sawi ay nasa loob nga ng kuweba. Sa madilim na bunganga ng halimaw na ito matatagpuan ang tanglaw ng bagong pag asa. Ang pebong nagliliwanag na nagsisilbing ilaw sa mga nabubulagan at naliligaw. Ngunit malaking katanungan parin kung ano ang nasa loob ng kweba at tinuturing ito ng karamihan na sagrado at banal.

Marahil ang ilan sa inyo ay iniisip na kayamanan ni Simoun ang misteryosong bagay sa loob ng kweba. Ang mga alahas, ginto, pilak na nilikha para sa paghihiganti ng iisang tao sa gobyernong demonyo. Ang yamang kayang lumikha ng isang malupit na digmaang kayang kumitil ng libo libong tao. Ngunit ang mga alahas ni Simoun ay matagal ng nawawala. Inihagis na ito ng Paring Pilipino sa karagatan ng Pilipinas dahil sa kaduwagan sa digmaan. Gayong ang pag aalsang ito ay banal at may magandang hangarin sa mga sawimpalad.


Kung hindi ang maalamat na yaman ni Simoun ang nahuhuling matuwid para maligtas ang mga kaawa awang naapi. Kung ganoon pala'y maaring ang yaman ng Asya na ninakaw ni Yamashita at itinago sa Pilipinas ang nasa loob ng kuweba. Pero hangal lang ang naniniwala na ang ginto ni Yamashita ay nanalagi pa sa daigdig sapagkat ang mga ito'y nangatunaw sa kasagsagan ng pambobomba noong ikalawang digmaang pandaigdig. Naging likido ang mga ginto buhat ng nasunog ang bodegang pinagtataguan nito. At ang natunaw na ginto ay naghalo sa mga dugo ng mga Pilipinong nadamay sa masalimuot na digmaan. Wala na ang kayamanan ng Asya!!! Nilamon na ng lupa!!! Wala na!!!

Malayo daw na mga ginto, pilak, alahas at iba pang makamundong yaman ang nasa loob ng maalamat na kuweba. Sa paniniwala ng mga relihiyoso, ang kweba daw ay binabantayan ng daan daang mga anghel. Ang mga sundalo ng Diyos ngang ito'y may pinangangalagaan sa loob ng yungib. Ang kabanalbanalang krus na sanctus sanctorum, ayon sa kanila ang nilalaman nito. Kung paano nakarating dito ang krus ni Hesus ay isa pang napakalaking misteryo. Maging ang mga relihiyoso ay naguguluhan sa kanilang pagpapaliwanag kung paano nakarating ang banal na relikya na galing Europa. Bagamat naguguluhan, wala ni isa sa kanila ang tumalikod sa paniniwalang krus nga ang nasa loob ng kweba. Sa kanilang pala-palagay, may mga bagay na di na dapat malaman pa pero dapat na lamang na tanggapin. Sa mas madaling salita, kahit di mo alam na tae na ang isusubo sa bibig mo, ipasok mo na lang dahil wala kang karapatang tumanggi. Tao ka lang, Diyos ako!!!

No comments:

Inflagrante de licto