Thursday, September 24, 2009

Mobokrasya



"It's not whether you win or lose, it's how you place the blame"
- Oscar Wilde


Alas dose na ng makarating ang mga rallyista sa Edsa. Dala dala ang sangkaterbang plakard na may nakasulat na "Oust", "Resign"... "Iimpeach"... at kung anu ano pang pang aalipusta sa taong tinutukoy ng mga nag aamok. Humigit kumulang sa isang libong katao ang parang daing na nakabilad sa arawan. Tsinatsaga ang bagsik ng araw na kasabay nilang mainit ang ulo.

Bagamat pawis ang lahat, di naman ito naging hadlang para ipursige ang kanilang pinaglalaban.

Isa sa kanila ang labing pitong taong gulang na binata. Hawak hawak ang plakard habang galit na galit na sumisigaw ng "Tama na sobra na!!". Siya ay si Mario bagamat menor de edad mukhang naiintindihan na yata ang kalakaran sa mundo. Gusto niya ng pagbabago sa lipunan at malinis na pamahalaan kaya naisipan niyang sumali sa pagwewelga. Naniniwala siya na sa maliit na paraang ito napapakita niya ang pagmamalasakit sa bansa.

Sa gawing kaliwa naman ng kinatatayuan ni Mario ay ang mga sasakyang akala mo nagnonoise para suporta sa rally. Ang totoo nga niyan bumubusina ang mga sasakyan dahil yamot na sila sa trapik na bunga ng pag sigaw ng karapatan sa kalsada. Minumura na nga ng ilan ang mga taong sobrang magmahal sa bayan. Perwisyo na raw sila at di na nakakatulong.

Isang oras din ang nilagi nina Mario sa Edsa nang dinisperse sila ng mga Pulis. Sa una, maayos na nakikiusap ang mga nakabatuta na lisanin ang kalsada. Nang lumaon, nagkapikunan ang dalawang panig kaya nagkagulo. Pukpukan ang paraan ng mga may pamalo at batuhan naman ang mga may maibabato. May ilang hinuli ang mga pulis sa grupo ng mga rallyista. Sa panig naman ni Mario ang higit sa walumpung porsyento na kanina pang nag aamok ay napili nalang na lisanin ang EDSA.

Ang mga naposasan ay nagsisigaw ng human rights. Lahat ng lente ng kamera ay tutok sa kanya. Aping aping kinakaladkad ng mga pulis ang pitong aktibista na nahuli dahil sa pamamato. Depensa ng mga humuli kung bakit ganung paraan nila inaresto ang aping nagsisigaw ng human rights. Simple dahil ayaw niyang umalis sa pwesto niya.

Matapos ang mga kaapihang natunghayan sa kalye ng Edsa, ang daloy ng sasakyan ay unti unti ng sumigla. Wala na ang sagabal sabi ng mga tsuper ng bus na gusto lamang kumita. Sabi naman ng mga aktibista... HUMAN RIGHTS!!! Bulalas ng mga nagdisperse kami na naman ang mali.... Wika ng mga street sweepers... Bwisit mapapasabak na naman tayo!!!

Sino ba talaga ang tunay na biktima?

....

tingin ko mga street sweeper!!!


Monday, August 31, 2009

Teka! Anong sabi mo? Ano daw?

Line Bus Pictures, Images and Photos

"Pare, isa kang totoong tao at walang halong kasinungalingan.
In English, FACT you, pare. Totoo ka. In English, FACT you!"
-Bob Ong

Putris naman!! May dalawang segundo palang nakalapag ang mga paa ko sa bus nag-full throttle agad si Manong. Muntikan tuloy mahiwalay ang kaluluwa ko at dalawang alipores na nagpapanggap na aking tagapagbantay. Buti nalang todo kapit ako sa mga oras na yun. Kung hindi ako nagkapit tuko tulad ng ginagawa ng mga politiko siguro tatalsik ang guardian angel at kapartner niyang demonyo.

Dahan dahan kong tinahak ang makipot na daanan habang nakakapit sa mga bangin banginan. Kailangang humawak ng maigeh, mahal ko pa ang buhay ko. Higit dun ayaw kong umitsa din sa ere ang dalawa kong tagapagnatnubay. Nagpapalagayan na kasi ng loob ang dalawang ito. Mahirap na kapag nawalay sila sa isa't isa. Uso pa naman ang emo ngayon baka kung ano pang gawin ng dalawang ungas na langit at ilalim ng lupa ang drama. Kargo konsensya ko pa!!!




Matapos ang walong hakbang, narating ko na rin ang trono ko. Walang nakaupo kaya pumuwesto agad ako sa malapit sa bintana. Noon pa man, ito na ang paboritong lugar ko sa bus. May genetic make-up kasi akong usizero. Di lamang dumadaloy sa dugo ko ang pagiging tsismosa. Mismong nasa DNA na ang ugaling mapagmasid na minana ko pa sa pagiging Pilipino.

Kulang nalang popcorn at full screen cinema na ang bintana. Maraming interesanteng makikita kung titingin ka lang. Mas masaya pa sa mga napapanood mo sa TV na iyakan, lumilipad na naka-bathing suit, mapaghimalang bata , mga balitang pangbansa na tampok ang mga artista. at showbiz intriga na politiko ang bida. Hindi lutong makoy dahil mga totoong tao ang bida. Sa katunayan marami narin akong karanasan na makapanood ng mga dekalidad na pelikula sa bintana. Masikip ang kalye at sobrang usad pagong ang andar ng trapik kaya nasundan ko ang galaw ng artista sa labas. Maganda ang kwento niya, magaling pa siyang umarte. Totoong totoo talaga... Ang bida ngang iyon ay papangalanan nalang nating si lalake. Kanina pa tingin ng tingin sa oras ang bida nating ito. Ewan ko kung anong problema niya at parang naghahabol siya sa oras. Yun nga lang nabisto ko si lalake na di naman talaga late sa trabaho. Pasimple niya kasing pinipisil ang puwetan niya. Tapos lingon sa kanan at tingin sa kaliwa. Putlang putla pa si lalake kaya malamang na hindi maganda ang nilalaman ang tiyan niya.

Ang isa pang dekalibreng palabas na napanood ko sa bintana ng bus ay tungkol din sa isang lalake. Di ko alam kung baliw siya o sobrang walang kontrol lang sa pag iinit. Aba naman nag-aano sa bangketa... (wag ng ituloy ang pagbabasa kung 17 pababa ka lang, pero kung wala naman ang magulang sige pagpatuloy mo lang) Yung tipong pinaglalaruan ang ari niya. Hindi naman mukhang baliw ang lalake yun nga lang parang gago ang ginagawa niya. Saan kaya niya pinahid ang kwan? Kawawa naman yung mga kwan na yun. Isipin mo 30 milyong kwan ang nagsakripisyo para sa ikaliligaya ni lalake... haayy!!! Para sa LUST...

Ngunit ang araw yatang ito ay masasabing malas. Walang magandang palabas sa bintana. Puro billboards, MMDA na nag-aamok sa mga tsuper na pasaway, tumatawid na estudyante sa street lights na green, umiiyak na bata dahil ayaw ibili ng laruan, nobyong nakaakbay kay nobya at billboards,billboards... BILLBOARDS!!!

Wala akong nagawa kundi humikab na lang. Walang kakaiba sa mga oras na ito... Wala wala...

Nilipat ko sa ibang bahagi ang aking paningin. Hindi naman kasi kaganaganang panoorin ang mga tao sa labas baka dito sa loob... mga busmates ko... may magandang scoop... UZIMODE!!!

Lumunok laway at humikab. Lumunok uli ng isa pa... Badtrip mas nakakabagot pa pala. Ang mga pasahero ay kung di nakatingin sa kawalan, cellphone ang tinititigan. "Institutionalized" na talaga ang tao sa daigdig. Para ng mga robot na nakaprogram kung ano ang gagawin.

Mukha yatang hindi buwenas ang araw na iyon.. patay ang oras... As in literal na parang patay ang mga kasama ko... Haayy buhay...

Ilang sandali lang, binasag ni Manong driver ang katahimikan sa loob ng sementeryo este bus pala. Walang pakundangan niya hininto ang bus na itinalsik ng ulo ng mga pasaherong di ko alam kung buhay ba o patay. Galawan lahat ng ulo ng mga pasahero ngunit wala silang kimi sa mga nangyayari. Si konduktora naman ang sumunod na bumasag sa katahimikan at sumigaw ng "SM daw SM daw kung may bababa."

Walang nagtangkang lisanin ang Bus ni Manong... Walang bumaba sa mga pasahero pero may isang umakyat. May hawak siya na puting sobre. Kumpara sa ibang nilalang na nanghihingi ng donasyon, kakaiba siya dahil iisa lang ang daladala niya. Karaniwan kasing sangkaterbang sobre ang daladala ng nanghihingi sa mga pasahero. Minsan nga daig na daig nila pa ang mga kartero dahil sa dami ng bitbit na envelope.

Teka parang alam ko na to' ha... MODUS...!!!

Gumitna ang may hawak ng sobre sa mga patay na pasahero. Binuka niya ang bibig niya't may boses na malungkot na lumabas. Nanghihingi ito ng tulong, ng kaunting barya sa amin. May kanser daw sa utak ang kanyang anak. Nangangailangan daw ito ng agarang operasyon dahil kung hindi maagapan baka huli na ang lahat. Ramdam mo di lang sa mukha niya ang dinadalang pasakit, pati sa pananalita kukurutin ang puso ng mga tagapakinig.

Maraming sinabi ang amang humihingi ng tulong pero di ko na naintindihan ang mga bagay na iyon. Basta humugot nalang ako ng bente pesos sa bulsa. Siguro naman ang maliit na halagang ito'y may maitutulong na din.

Marami ding mga pasahero ang naglabas ng kanilang maliit na tulong para sa lalake. Akala ko nga ako lang ang magbibigay dahil sa pinapakitang patay patayan ng mga kasama ko. Ang ila'y nagbigay ng kanilang natitirang barya at ang iba'y papel na pera. Magkakaiba nga ang halagang iniabot sa kawawang lalake pero nagkakapareho naman ang lahat ng hangarin. Ang pusong Pinoy na pagtulong sa nangangailangan. Buhay pa din pala ang inaakala kong "extinct" (o siguro endangered nalang) na ugaling bayanihan. Nananatili pa din pala ito sa kaibuturan ng damdamin ng mga Pilipino.
Tuwang tuwa ang lalakeng may hawak ng sobre sa pinakitang pagmamalasakit ng mga tao. Inabot niya na may kagalakan ang tulong ng mga tumutulong at nanalig sa ikakagaling ng kanyang anak. Nagpasalamat sa mga nagbigay at nilisang masaya niya ang bus.

Nang makababa ang lalake sa bus tsaka namang biglang may umeksena. Siya ang babaeng konduktora. Sinabi ni Aleng Konduktora sa amin na ang lalake kaninang humihingi ng donasyon ay manloloko sa madaling salita... nanggantso kami ayon sa kanya.

Dagdag pa niya na noon daw nakaraang linggo ang lalake ay umakyat narin para humingi. Ngunit hindi ang anak na may kanser ang ipananghihingi niya kundi ang kapatid niyang naaksidente. At kahapon lang daw, ginawa niya ulit ang kanyang modus at ang pinangsangkalan ang kanyang ama niya para kumita. Mahirap namang paniwalaan na sobrang miserable ang buhay ng mag anak na ito. Saka kung totoo ang sinasabi ng lalakeng may sobre bakit hindi niya pa sabay sabay na ipinanghingi ang tatlong niyang mag anak. Bakit isa isa pa?

Pabirong pagpapatuloy ni konduktora na baka ang kabit daw na may breast cancer ang sunod na ipanghingi nito...

Nagpintig ang tenga ko sa mga pinagsasabi ni Aling Konduktora. Hindi ko napigilan ang sarili kong barahin ang mga dakdak niya. Nasigawan ko siya at sinabing...
"Loko loko ka pala. Alam niyo na palang manloloko ang umakyat kanina kinunsinte mo pa!!! Tapos nang umalis saka ka nagsasatsat na naloko kami . Kung kailan wala na ang manloloko at naloko na ang mga nagpapaniwala."

Hindi na din napigilan ang ngitngit ng mga kapwa ko pasahero. Nilabas din nila ang badtrip sa nag expose na tanga kami.

Sa sobrang kahihiyan hindi na nakuha pang umimik ni Aling Konduktora. Sayang ang expose kung di niya lang sinabi ng maaga. Imbes na bayani siya sa mata ng marami naging kontrabida pa.

Ang masamang naging epekto nito sa mga tao sa bus ay di lamang nawala ang perang sanay napunta sa makabuluhang bagay. Hindi lamang ang halaga ng salapi ang isyu dito kung di pati narin ang gawaing pagtulong sa nangangailangan ang nabahidan na ng pag aalangan. Sino ang gusto ng tumulong kung mababalahura ka lang ng tutulungan mo?

Manong dito nalang.... Aling Konduktora FACT YOU!!! In tagalog totoo kang tao...

Tuesday, August 25, 2009

Cory magic!!


“I would rather die a meaningful death than to live a meaningless life.”
- Corazon Aquino


Sa gulang na pitumpu't anim pumanaw ang ikalabing isang pinuno ng Pilipinas. Kauna-unahang babaeng lider ng bansa. Ang hindi inaasahang personalidad na lalaban at magpapabagsak sa pamahalaang diktadurya ni Marcos. Sa edad na limampu't tatlo pinaluhod niya ang administrasyong nanungkulan ng dalawampu't isa. Edsa revolution na taas noo mong pinagyayabang sa buong mundo, siya ang nanguna.

Ngunit sa kabila ng maraming papuri at pagsasabit ng sampaguita sa leeg ng dating pangulo, hindi na maalis ang katotohanang tayo tayo nalang ang magkakatuwang sa pangangalaga ng kanyang iniwan. Ang demokrasyang tinatamasa mo ngayon.

Wala na si Tita Cory, matagal na rin wala si Ninoy. Pero ang kanilang kawalan ay di nangangahulugang tapos na ang laban. Siguro dito pa nga nag uumpisa ang lahat ng hamon kay Juan. Nabawasan nga tayo ng isang napaka-importanteng simbolo ng demokrasya ngunit sa kabila ng malaking kawalan may milyon-milyon ulo pa rin ang buhay at gumagana. Ulong siksik ng karne. Karneng dapat pigain para sa nasyon. Bansang may malayang lipunan.

Tapos na ang pagluha, umpisa na ng totohanang pakikibaka. Binaril na sa himpapawid ang dalawanpu't isang bala. Heto na game ka na?

Handa ka na bang harapin ang pagbabago. Ang paparating na high tech na eleksyon sa 2010. Ang pagbabantay sa pamahalaang Arroyong tila gusto pang mag-round 3. Ang walang kabuluhang pulitika na puno ng bwiset na pulitika. Mga kaguluhan sa Mindanao at sa mga bulubundukin ng bansa na may pulang bandila. Ang mga walang makaing Pilipino... mga milyon milyong pisong campaign ads sa mga politikong handang sirain ang reputasyon ng kapwa niya politiko. Mga imbestigasyon sa senado na may palagiang kinikilingan. Ang bayang watak watak. Ang bansang tinitirhan mo. Ang dating Pilipinas na nagkaisa noon para sa demokrasya. Ang Pilipinas ngayon na nagkawatak watak dahil sa personal na interes ng bawat isa.

Handa ka na bang harapin ang pagbabago. Kung oo maramat na simulan mo. Hindi yung makikiride ka lang dahil uso ang pagiging makabayan tuwing may Edsa revolution o kaya tuwing nalalapit ang eleksyon.

Kung isa ka naman na nag aasam na baguhin ang karamihang nabuhay na walang pakialam. Wag mo nang asamin ito. Wag mo ng pangarapin na magbago ang mga mamayang walang pakialam, manggagantsong empleyado ng gobyerno at walang hiyang mga politiko.

Kung gusto mo ng pagbabago, hindi mo na kailangang muramurahin ang mga politikong binoto mo noon at ayaw mo ngayon.

Simple lang naman ang pagbabago!!! Nag uumpisa ito sa ungas na katulad mo. Patunayan mo muna sa sarili mo na kaya mong magpakabuti. Matapos mong masagawa ito, ang lahat ng ungas na katulad mo ay susunod sa sayo. Isa isa silang maggagayahan sa katarantudahang ginawa mo. Siguradong uunlad na ang Pilipinas at higit sa lahat... hindi na nakataas ang kilay ni Tita Cory... at higit sa higit sa lahat... nasisigurado kong nagtatalon iyon sa tuwa... Kasama si Ninoy na di na nakapalumbaba...


Monday, August 17, 2009

Ano daw?

"Hila mo, kadyot ko" - Manong Driver


Iniiwasan kong malagi sa mga matataong lugar sa oras ng rush hour. Hassle naman kasing sumabay sa limpak limpak na papasok o papauwi ng eskwela at trabaho. Sobrang hirap sumakay na requirements mo pang maniko ng kapwa mo wrestler para lang maka angkas. Minsan pa nga'y inaabot pa ako ng 10 years bago mapara ng sasakyan. Kahit ba na nagkabuhol buhol na ang trapik sa dami ng mga pampublikong sasakyan, wala pa rin itong panama sa dami ng mga pasaherong handang makipagpatayan para makarating sa paroroonan.

Punuan ang mga jeep, buhol buhol ang trapik, daan daang nag-aabang ng masasakyan. Ang iba para makasakay lang sumasabit sa likuran. Naaalala ko tuloy ang mga kaeskwela ko noong High school. Bisyo na nilang umangkas ng libre sa jeep. Kadalasan nga ay kahit walang sakay na pasahero si Manong driver ang mga tulisan ng kalsada ay sapilitang sumasabit. Kaya kapag nagtagpo ang mga tsuper at mga "daring" na sabitero na handang ialay ang kanilang buhay para sa propesyong ito, wala ka ng magandang maririnig kay manong driver. Luluha ang mga anghel at magpipiyesta ang mga demonyo sa mga lalabas na mabulaklakin sa bibig ng galit na galit na walang kitang tsuper. Ngayon, alam ko na kung bakit one two three ang tinawag sa dakilang gawain ng hindi pagbabayad. Isa dalawa tatlo takbo!!!..
Higit labing limang minuto din ang binuno ng mga binti ko sa pag aabang ng masasakyan at sa pagkatagal tagal nadinig narin ang panalangin kong makaangkas. Ayos naman ang paunang bati ng jeep ni Manong driver. "God is good all the time". Ok na sana ang "ambiance" ng pasukan ng otto. Yun nga lang sampu ang nakapwesto sa kanang bahagi ng jeep at labing isa naman sa kabila. Nagmistulan tuloy na mga isdang walang ulo ang mga pasahero at malaking lata naman ang jeepney ni Manong driver. Pampublikong sasakyan na sana'y pang siyaman nagiging onsehan. Hanep talagang humapit ang mga Pinoy tsuper. Napaka-"resourceful". Overloading ang lata pero wala na tayong magagawa. Matinding pangangailangan na makasakay kaya kinagat ko nalang ang salestalk ni Manong driver na "Isa pa sa kanan, konting usog lang ho."
Para ho!! Tigil si Manong Driver... Baba ang tatlong pasahero... Lumuwang ang jeep.. Humarurot ang sasakyan... May pumara uling tatlo... Tigil si Manong... Sakay naman ang tatlong nagmamadaling "late" na empleyado ng gobyerno... Ngumiti si Manong dahil dagdag kita... Simangot naman sina pasahero kasi balik buhay lata...


Siksikan na nga ang loob ng jeep, bigla namang nakisabay ang kalsada. Heto ang ayaw ko kapag malapit ka na sa intersection. Sobrang bagal ang takbo ng mga sasakyan. Nagmistulan na ding sardinas ang mga kotse, mga jeep, motor at ilang maliliit na trak. Lata na ang daan at ang usok ay nagsilbing sauce. Ang paligid ay maiinit, mausok, maalikabok at maingay. Ito ba ang sinasabi nilang urbanidad at pag unlad.

Sa kaliwa ng sinasakyan namin ay makikita ang pampasaherong jeep na may kaparehas naming pasanin. Lahat ng mga pasahero na tulad namin ay nagsusumiksik, lahat amoy pawis, lahat mainit ang ulo. Sa kanan naman ay may trak ng gobyernong naglalaman ng mga bakal na gagamitin yata para sa pagpapatayo ng gusali. DSWD Do not delay ang sticker na nakadikit sa salamin ng trak. Sa likuran, may pribadong sasakyan na kanina pa busina ng busina. Tensionado na ang maraming taong naapektuhan ng trapik na di inaasahan sa oras na iyon. Badtrip ang marami na sabay sabay na nagmumura . Ang mga tsuper ng jeep, mga may sariling sasakyan, mga naiinip na pasahero at maging ang mga sasakyan ay inis na din kaya walang tigil ang beep beep...!!!

Makalipas ang sampung minutong pagka-istranded may dumating na tow truck. Kaya naman pala, may kotse na tumirik sa gitna ng kalsada. Ang masama hindi lang isa ang huminto at nagdulot ng malaking problema. Tatlong magkakasabay ang tumirik sa gitna ng kalye. Siguro tatlong tangang driver na nakalimutang pagasolinahan ang otto nila o baka naman dahil sa sobrang init ng panahon, nag overheat ang makina. Pero di na rin siguro mahalaga sa mga nabiktima ng trapik kung ano ang dahilan ng pagkakahinto ng halos tatlumpung oras ang biyahe. Ang importante sa kanila (at sa akin din) na makaandar nalang. Kaunti nalang ang umisyoso dahil wala namang nagnais na lumabas pa sa sinasakyan nila para tingnan lang ang kapalpakan ng tatlong taong ito.

Unti unting bumilis ang andar ng mga sasakyan. Nabawasan na din ang mga nakasimangot ngunit may mangilan ngilan paring naka-mahal na araw "image." Hindi naman kasi mawawala agad ang pagkabanas ng mga naapektuhan ng trapik. Halos tatlumpung minuto din ang hinintay ng mga ito (kasama ako) bago masolusyunan ang nakabalandrang mga kotse. Pero "the show must go on narin siguro!!! Humaharurot na ang mga sasakyan, tapos na ang unang pagsubok sa araw na iyon na haharapin ni Juan Dela Cruz. Yung iba bumalik na sa dati nilang mga gawi. Ang mga kababaihan ay nagsisipagsuklay na ng mga buhok, pulbos ng mukha, blush on sa pisngi at tingin sa salamin. Ang kalalakihan naman ay tingin ng oras, pag-aararo ng buhok gamit ang kamay, tingin sa katabi at pagkukuyakoy ang pinagkakaabalahan.
Manong dito nalang!!!
Sa wakas natapos narin ang paglalakbay ko kasama si Manong Driver at ang astig niyang jeep. Isa pa uling pampublikong sasakyan ang dadamahin ng puwet ko... Ang bus!!!

Madali naman akong nakatagpo ng bus dahil kanya kanya ng agenda ang pinuntahan ng mga kapwa ko pasahero. Di na gaanong kahirap kumpara kanina na naghimala lang yata kaya ako nakasakay. Nanalangin kasi ako kay Bro (Elow santino?), buti naman pinagbigyan niya ako. Pero hindi tulad ng hiniling ko sa kanya na maghulog galing sa langit ng jeep na walang lamang pasahero. Iba ang ibinigay niya na di alinsunod sa hinihiling ko.
Nagdedemand pa ako sa Dyos na sana walang pasahero ang ibinigay niya. Dapat nga nagpasalamat nalang ako dahil hindi niya sinunod ang panalangin ko na sana ihagis niya ang jeep sa lupa. Harinaway hindi niya ako ganoong sinunod.
Pero baka naman hindi naman talaga ako ang humiling ng jeep na yun. Sa tingin ko nga yung aleng katabi ko na kanina pa Dyos ko po ng dyos ko po sa tabi ko habang nag aabang ng masasakyan. Mas malakas yata siya kay Bro kaysa sa akin.. Tampo ako dun ha. Pero mabuti naring si Aling OMG at hindi ako na may sayad ang mas pinakinggan ni Bro. Isipin mo nga naman kung ako pa ang dininig niya ng panalangin siguradong may malaking trahedya akong masasaksihan. Makikita ko nalang ang sarili ko sa TV na nakahandusay sa bangketa. Tapos ang balita ang sagwa ng pamagat. Lalake nabagsakan ng jeep Dedo!!!

Ano Daw? May kasunod pa siya... da end na muna kunyari..

Amen!!!

Sunday, July 19, 2009

Alamat at Historya

(UNEDITED)


ALAMAT AT HISTORYA

CHAPTER I Ab initio

Part 2 "Ang Alamat"


A hero is no braver than an ordinary man, but he is brave five minutes longer.
- Ralph Waldo Emerson

Ang tatlong kayamanang nabanggit ay hindi kailanman makikita sa kweba. Sa katunayan ang yamang napapaloob sa loob ng yungib ay hindi isang materyal na bagay o kahit maging ang krus ni Kristo ay di matatagpuan.

Masyadong lumalayo ang kasagutan kung ang gagamitin ang tanong na ANO ang misteryosong nilalaman nito. Karapatdapat na gamiting pananong ay SINO ang nasa loob ng kweba at bakit ito ang solusyon sa problema ng Pilipinas.

Tao ang nilalaman!!! Kung ganoon sino siya?

Tagapagligtas ba o baka naman mga nag aamok na rebeldeng hinahamon ang apat na libong buwitre sa gobyerno...

Ang kasagutang ito'y di na dapat patagalin pa. Ang napapaloob sa kweba ay isang bilanggo. Isang dakilang bilanggo!!! Siya ay si Bernardo Carpio. Ang hari ng lahat ng mga Pilipino noon at ngayo'y hari na lamang ng alamat. Layon ng haring ito na lupigin ang korapsyong nananalaytay sa ugat ng lipunan. Itutuwid ang pagkakamali gamit ang madahas na pamamaraan. Gamit ang kakaibang lakas, kaya niyang sumira ng mga matatayog na kaharian. Ang suntok niya nama'y lilinis ng pamahalaan at sasawi ng apat na libong magnanakaw!!!
Ngunit sa kabila ng kadakilaan at imaheng malakas. Si Bernardo Carpio; hari ng mga sawimpalad, hari ng mga alamat, may lakas na 400 na kataong pangkaraniwan ang pangangatawan at hindi sakitin, ang pag asa ng mga walang bukas ay nakagapos ngayon na parang hayop. Ang dakilang hari ngang ito'y di na matatawag na dakila at kapitagpitagan dahik isa na siya ngayong kahabaghabag na bilanggo ng tadhana. Walang kasalukuyan at maaring wala ring hinaharap.

Ang inaasahang tagapagligtas ay ngayong lugmok sa kwebang pinagkukulungan. Naghihintay ng may magsasagip... nag aabang ng kaunting liwanag sa madilim na kulungan!!! Ngunit ang bayani niya yatang hinihintay ay di na darating. Ganap ng sawi ang tagapagtanggol ng mga naapi. Inalisan na nga siya ng laya, nawalan na din ng kaunting pag asa. Sa pagkatagal tagal niyang nalugmok sa lugar na ito, ni isa ay walang nagtangkang iligtas man lang siya sa pagdurusa. Wala ni isang sumubok man lang at magpakabayani... Wala ni isa!!!

Ang kawalan ng tagapagligtas ni Bernardo Carpio ay dahil sa mga katatakutang ng mga Pilipino noon sa tagapagbantay na halimaw sa loob ng yungib. Ang mabagsik na nilalang na ito'y nagsilbing hadlang para sa ikakalaya niya. Bagamat tinuturing na itong payak na katotohanan. Ang nasabing halimaw ay di lamang nakapagtala ng may napapatay o nagagalusan man lang. Wala ring nakaharap ng personal at kahit ang paglalarawan sa nilalang na ito ay wala pang kongkretong katangian. Ginawa na lamang itong katotohanan dahil nga ito'y ganap na kaululan.

Sa kabilang ng kawalan ng magliligtas sa bida, hindi parin masasabing nalimot na ng mga Pilipino si Bernardo Carpio. Araw-araw ay dinadalaw parin ang kanyang yungib para mag alay ng mga prutas, patay na hayop at kung anu ano pang anik anik. Inaalala din kada taon ang kabayanihan ni Carpio noong di pa siya bilanggo. Sinasadula ng mga Pilipino ang kanyang mga paglalakbay at pakikipaglaban sa kasamaan. May mga iba't ibang ritwal at katutubong dasal ding isinasagawa. Kadalasan itong sinasabayan ng sayaw at kanta.

Ngunit ang maringal na pag aaksaya sa pagpapapuri kay Carpio ay walang nagawang mabuti. Wala ni isa sa mga kaluluwa ng mga hayop na isinakripisyo ang nakapagligtas man lang kay Carpio sa kasawian. Maging ang mga prutas ay nangabulok man lang at kinain ng lupa at mga ligaw na hayop. Pati ang mga pistang ginaganap taon taon bilang pagbibigay parangal sa kanya ay walang saysay. Ang kayumangging bayani ay nanatili parin sa piging ng mga rehas. Ang kaawa awang si Bernardo ay nanatiling nananalig na may magpapakawala sa kanya... Isang kahangalan...

Monday, July 13, 2009

Alamat at Historya

Chapter 1 "Ab initio"
PART 1: Tao ka lang, Diyos ako

"Ang alamat ay isang napakalaking salamin na repleksyon ng kasaysayang nababahidan ng malungkot na katotohanan. Ginawang hindi kapanipaniwala para sa ikakapalakpak ng mga hangal" -Loglog




Ayon sa alamat may sagrado at marangal na yungib sa Pilipinas na balot ng paghanga at dangal. Ang kweba ngang nabanggit ay pinupuri at nirerespeto ng mga sinaunang Pilipino. Kadalasan nga'y tinuturing na itong panginoon dahil naniniwala ang iba na nasa bunganga ng kuweba ang kasagutan sa problema nila. Sa iilan naman nagsilbi na ang kweba bilang kanlungan ng pag asa ng mga walang pag asa.


Ito ang solusyon!!! Ito ang sagot!!! Ang nilalaman!!! Ang nilalaman!!!


Ang nag iisang sagot sa milyong problema ng bayan ng mga sawi ay nasa loob nga ng kuweba. Sa madilim na bunganga ng halimaw na ito matatagpuan ang tanglaw ng bagong pag asa. Ang pebong nagliliwanag na nagsisilbing ilaw sa mga nabubulagan at naliligaw. Ngunit malaking katanungan parin kung ano ang nasa loob ng kweba at tinuturing ito ng karamihan na sagrado at banal.

Marahil ang ilan sa inyo ay iniisip na kayamanan ni Simoun ang misteryosong bagay sa loob ng kweba. Ang mga alahas, ginto, pilak na nilikha para sa paghihiganti ng iisang tao sa gobyernong demonyo. Ang yamang kayang lumikha ng isang malupit na digmaang kayang kumitil ng libo libong tao. Ngunit ang mga alahas ni Simoun ay matagal ng nawawala. Inihagis na ito ng Paring Pilipino sa karagatan ng Pilipinas dahil sa kaduwagan sa digmaan. Gayong ang pag aalsang ito ay banal at may magandang hangarin sa mga sawimpalad.


Kung hindi ang maalamat na yaman ni Simoun ang nahuhuling matuwid para maligtas ang mga kaawa awang naapi. Kung ganoon pala'y maaring ang yaman ng Asya na ninakaw ni Yamashita at itinago sa Pilipinas ang nasa loob ng kuweba. Pero hangal lang ang naniniwala na ang ginto ni Yamashita ay nanalagi pa sa daigdig sapagkat ang mga ito'y nangatunaw sa kasagsagan ng pambobomba noong ikalawang digmaang pandaigdig. Naging likido ang mga ginto buhat ng nasunog ang bodegang pinagtataguan nito. At ang natunaw na ginto ay naghalo sa mga dugo ng mga Pilipinong nadamay sa masalimuot na digmaan. Wala na ang kayamanan ng Asya!!! Nilamon na ng lupa!!! Wala na!!!

Malayo daw na mga ginto, pilak, alahas at iba pang makamundong yaman ang nasa loob ng maalamat na kuweba. Sa paniniwala ng mga relihiyoso, ang kweba daw ay binabantayan ng daan daang mga anghel. Ang mga sundalo ng Diyos ngang ito'y may pinangangalagaan sa loob ng yungib. Ang kabanalbanalang krus na sanctus sanctorum, ayon sa kanila ang nilalaman nito. Kung paano nakarating dito ang krus ni Hesus ay isa pang napakalaking misteryo. Maging ang mga relihiyoso ay naguguluhan sa kanilang pagpapaliwanag kung paano nakarating ang banal na relikya na galing Europa. Bagamat naguguluhan, wala ni isa sa kanila ang tumalikod sa paniniwalang krus nga ang nasa loob ng kweba. Sa kanilang pala-palagay, may mga bagay na di na dapat malaman pa pero dapat na lamang na tanggapin. Sa mas madaling salita, kahit di mo alam na tae na ang isusubo sa bibig mo, ipasok mo na lang dahil wala kang karapatang tumanggi. Tao ka lang, Diyos ako!!!

Saturday, April 25, 2009

Alamat ng Mahiwagang Mikropono 3

"Ang tunay na kagandahan ay hindi makikita sa panlabas na kaanyuan lamang. Kung ganun pala tara balatan natin siya."


Para sa Babasa:


Hindi lubos na maiintindihan ang post na ito kung hindi babasahin ang nauna. Ito ang sequel ng nabiting inuman nina Loglog, prinsipe ng mga syokoy, mga alipores at nang nakabibighaning prinsesa. Wala ang ikatlo at ikaapat kung wala ang una at ikalawa. Heto ang link patungong "Alamat ng Mahiwagang Mikropono 1 & 2"



ALAMAT NG MAHIWAGANG MIKROPONO 3



Tumba ang tatlong ungas, panalo si Loglog sa digmaan. Maliban sa akin, hindi parin bumibigay ang kahalihalinang prinsesa. Kung sa bagay huli siya ng apat na oras sa tagayan. Inabot din ng pitong oras bago ma-knock-out ang prinsipe ng mga syokoy at kanyang dalawang alipores. Kung nahabaan kayo sa tagal ng inuman namin, wag mong isiping malakas akong uminom ng alak. Ang totoo nga nyan, bukod sa sobrang tagal tumagay ng mga ungas, gumamit din ako ng strategy para maka-survive sa laklakan. Wika ng mga partisipantes sa "Fear Factor"... Strategy!!! Mabisa yata ang kunyaring tagay strategy kaya hanggang ngayon alive na alive and kicking pa ako. Hindi tulad ng prinsipe na lasing na lasing at walang malay tao. (Teka parang hindi akma, tama yatang malay syokoy)


Wala na ang mabagsik na kuya. Tulog narin kasama niya ang dalawa niyang alipores na magiging kaagaw ko sa pagpapacute sa prinsesa. Right timing na para isagawa ang banal na hangarin. Wala ng sagabal, wala ng hadlang... Nagwagi na naman ako sa mga hangal na ito... Bwahaha!!!


Getting To Know Each Other???


Bago mo makilala ang tao, kailangan mo siyang kausapin ng personal. Hindi mo na kailangan magtanong sa iba, mauuwi ka lang na mapanghusga tulad nila. Nakuha kong makilala ang prinsesa sa aming maigsing usapan. Ni isang sagabal ay walang humarang sa aming talastasan. Mahimbing ang tulog ng kuya niya kaya madali kong nabuksan ang mga paksa tungkol sa kanya. Masarap kausap ang prinsesa dahil sa likas niyang pagiging madaldal ngunit may laman. Matalinong kausap ang prinsesa. Dami kong natutunan at nalaman tungkol sa kanya. Kahit minsan bobo akong kausap, napagtatyagaan parin niyang ipaliwanag ang mga bagay na nagpapagulo sa akin. Turn on kasi ako sa madadaldal na may laman. Turn-off naman ako sa madaldal na ang alam lang yatang pag-usapan ay mga mamahaling pabango na esteyt sayd, make-up, sabon, usong sapatos, usong damit, sikat na hollywood artist, in na in na unit ng cellphone... blah! blah! blah! blah! blah!... Makikita mo nalang akong tutungotungo at naglalaway ang bibig. Biglang aantukin at nanaisin nalang na kausapin ang butiki sa kisame ng bahay namin kaysa sa iyo.

Tulad ng nakagawian ng lahat, lalake ang nagbukas ng usapan. Ako ang nag umpisang nagparamdam sa aming dalawa. Syempre ang paksa ay simula muna sa scratch. Inumpisahan ang usapan sa misteryosong laman dagat... Ang kuya!!!


Mabait daw ang kuya niya ayon sa prinsesa. Kahit na minsan ay sobrang protective daw ng syokoy, hindi naman humahantong sa pakikialam sa buhay niya. Basta ipakilala niya muna ang nobyo sa kanyang kuya. Kikilitasin naman ng syokoy ang bf ng prinsesa na parang bumibili lang ng isda sa palengke. Dadamahin kung frozen o bagong katay. Ganyan ang kuya niya.

Matapos ang pagsasabit ng sampaguita sa leeg ng kuya. Iba't ibang hindi importanteng paksa ang napag-usapan. Sa mga paboritong music genre, nakakaantig na buhay pag ibig ng prinsesa, nakayayamot na buhay pag ibig ng prinsipe at nakakabaliw na argumento tungkol sa pagkakaiba ng pinto sa pintuan. Marami pa kaming pinag usapan pero dahil sa kalasingan ko, dehins ko na naalala ang iba.

Inabot din ng tatlong oras ang kwentuhan marathon. Naririnig ko na rin ang tilaok ng mga manok. Ibigsabihin nalalapit na ang paggising ng kuya. Agaran ng mapuputol ang aming pinagsamahan kapag nagising na ang tatlo. Hindi na ako basta basta makakadikit sa prinsesa dahil nakabantay na ang prinsipe ng mga syokoy. Badtrip!!!

Buti nalang ay di ako nagdilang anghel. Nakikisama ang lasong ininom nila kanina. Wala ni isa ang bumangon. Ang tatlo'y nananatiling nakikipagsapalaran sa mundong likha ng imahinasyon at latak ng alak.

Salamat monosodium glutamate (a.k.a vetsin) Maasahan ka talaga kahit kailan...!!!




To be continued...

Thursday, March 5, 2009

Magic Wand - "Hiwaga ng Sobre"

"If the misery of the poor be caused not by the laws of nature, but by our institutions, great is our sin."


-Charles Darwin

Magdadalawang dekada narin akong sumasakay sa jeepney. Ang karaniwang transportasyong ginagamit ng pobreng si Juan para makarating sa paroroonan. Mahigit pitong dekada ng nakikipagsapalaran sa kalye ng Pilipinas. Suot lang ang baluti ng kultura at pananggalang prinsipyo't paniniwala. Pero depende rin pala sa piloto ang magiging tema ng kanyang ikalawang bahay. Paminsan minsan ang tema at dekorasyon ay pampamilya. Makikilala mo na nga ang asawa, mga anak at alagang aso ng tsuper. Kadalasan nakalagay pa ang pangalan ng lolo, lola, tito, tita, ninong, ninang, tatakbong mayor, paboritong presidente at re-elect na aso. Kung masipag manaliksik maaring ang isa sa nakalagay sa mga dingding ay kiridang kalive-in ni Manong. Astig...


Bukod sa mga pangalan ng mga kamag-anak at pagiging sweet lover, mababanayad mo sa kanyang jeep ang mga religious icons. Aakalain mong nasa simbahan ka at si Manong ang nagmimisa. Boy scout si Manong driver na laging handa sa mangyayari. Makakapagdasal ka na nga rin ng taimtim kung sakaling iliko ni Manong sa langit ang destinasyon mo. Makakapagkumpisal ka na sa mga kasalanan mong ginawa tulad ng pangongodiko sa subject ni Mam Konsintidora, ang pagtetext mo ng bastos na joke sa crush mo at higit sa lahat ang paghiling kay Bro na sana mamatay ng makatao ang propesor mong halimaw magpagawa ng proyekto.


Maliban sa mga nasabi sa itaas. Ang pinaka-importanteng matututuhan sa loob ng sasakyang ito ay ang mas lalong magiging bukas ang iyong mga mata sa tunay na lagay ng lipunang kinatatayuan ng mga paa mo. Hindi it ang araw araw na traffic marathon na pinoproblema ng MMDA., hindi rin ang kilokilometrong daan na parang hinambalos ng intensity 7 na lindol, at siguradong hindi ang mga nakakairitang billboards ng mga politikong papogi na dalawang taon palang bago mag halalan nangangapanya na. Bagamat representasyon ang mga nabanggit sa usad pagong na ekonomiya at (marumi) napakaruming pulitika ng bansa. Hindi parin ito ang tuwirang magmumulat sa mga matang nabubulagan ng urbanidad at kunong pag- unlad.


"Manong Para!!!"


"Teka bayad mo!!!"


"Aaayy pasensya na ho!!! Heto po estudyante!!"


"Lulusot ka pa!!!"



Sa pagkatagal tagal kong paghihintay ng masasakyan, sa wakas naidikit ko na ang puwet kong ngawit na ngawit. Ganito pala ang pakiramdam na makisabay sa rush hour. Para ka lang nakikipagtrip to Jerusalem. Bawal ang babagalbagal kumilos dahil mauubusan ka nang mauupuan. Kung gusto mong makasakay agad. Kakailanganin mo pa ang "wrestling manual" ni Hulk Hogan at kapal ng mukha ng mga politiko. Bawal ang gentleman kapag nagmamadali ka dapat handa kang makipagbalyahan kahit sino pa yan.


"Isa pa sa kanan... dalawa pa sa kaliwa... Urong pa ho Manong... Uso po sa Jeep ko ang walang hingahan..."


Sa kabilang banda masarap sa pakiramdam kapag nailapat mo na ang puwet mo sa upuan ng jeep. Matapos ang pakikipagbuno at matikman ang siko ng kapwa mo pasaherong handang makipagpatayan para makapasok sa sagradong jeepney ni Manong... dadating din sa punto na "You can kickback and relax.."


Buenas na ring maituturing ang nasakyan ko kahit na isa sa kapwa ko pasahero ang may naagnas na kilikili. Music lover si Manong driver kaya may libreng tugtog. Halatang tagahanga si Manong ng estasyon ng radyo. Kasi kahit na hindi musika at DJ lang ang nagdadadaldal ng walang habas at tumatawa na parang end of the world na bukas, hindi parin niya nakuhang ilipat ang pinakikinggan. Lihim na ngumingiti si Manong habang nakikinig ng radyo. Yun nga lang pinoblema ko pa kung natatawa ba siya sa joke na binabagsak ng DJ o sa tawa nitong nakakatawa naman talaga.


Tigil ng apat na minuto... kaunting andar na 2 minuto. Trapik na naman!!! Wala nang natutuwa sa loob ng jeep. Kahit si Manong driver ay naka-isnib narin ang bibig. Wala ng epekto sa kanya ang mabangis na tawa ng parang lokaret na DJ. Lahat ay nakasimangot na, lahat badtrip, lahat nayayamot, lahat nagmamadali!!!... Milyong piso ang nalulugi sa mga kumpanya dahil sa mga nahuhuling materyales, legal na dokumentado at mga late na empleyado. Maraming nabubulyahan ng mga boss at kung minsan ang minamalas dahil sa trapik ay natatanggal. Ayan lang naman ang maliit na epekto ng heavy trapik.


"Baba na po kayo... Sobrang trapik ho kasi... malapit na naman po ang bababaan... limang kilometro nalang naman ho..."


Makatapos makalagpas sa isanlibong intersection ng jeep ni Manong, natapos na din ang deliryo at usad pagong na andar ng sasakyan. Nabawasan ang kakumpetensya sa espasyo ni Manong kaya nabawasan narin ang tensyon sa loob ng jeep. Bumalik na ang sigla ni Manong at nakakangiti na sa mga Joke sa radyo... Ang mga kapwa ko pasahero naman ay may kanya kanya ng mundo. Abalang abala sa pagtawag sa boss dahil malelate sila at ang iba nama'y nagtetext sa kautuan para libangin ang sariling pagkabagot. Na out of place pa kami ni Manong driver dahil kaming lang dalawa ang walang cellphone. Lahat ng pasahero maliban sa akin ang abala sa pagpipindot. Jackpot ang holdaper na pumara sa jeep dahil bigatin ang cp ng kasama ko ngayon. May de-kulay, may de-cam, may mp3, may de-stick. Bonus pa ang mp4 ng magandang dalagita sa harap ko... Tiba tiba si Manong Holdaper nito. Kikita siya ng 35,000 mahigit na diplomasya at kaharasan lang ang dala-dala sa bulsa. Ganyan pala kadali kumita ng pera. Dehins mo na kailangan ng diploma o anumang papeles na nagpapatunay na tao ka at di alien. Hindi mo na rin kailangan magbitbit ng sariling upuan sa tuwing iniinterview ka ng kapwa mo uto-uto. Swerte, lakas ng loob at liksi lang ang puhunan. Saan ka pa!!??

Bumaba ang dalagitang may mp4 at sumakay naman ang batang madungis. Parang walang magulang ang bata sa itsura niya. Mula ulo hanggang paa madumi. Siya ang batang bersyon ng taong grasa. Siguro dalawang dekada ang makalipas isa na rin siyang ganap na taong grasa. Inabutan ako at kapwa kong de-cellphone ng sobre. Sa likod ng legal size envelope may nakasulat na "Kahit konting barya para sa maysakit kong kapatid." Naantig ang damdamin ko sa nakalagay sa likuran ng sobre. Pero ako lang yata ang nagtiyaga na magbasa sa hiling ng kawawang batang taong grasa. Abalang abala kasi sa kakatext ang mga kasama ko sa jeep. Nakakahiya naman sa kanila kung iistorbohin ng batang nanghihingi lang ng maliit na barya.

Dahil sa awa, napahugot ako ng trenta pesos sa bulsa para ibigay sa bata. Pero bago ko pa man maiabot ang mumunting barya naitanong ko sa kanya kung kaya niya bang basahin ang nakasulat sa likod ng sobre. Sinubukan ng batang intindihin ang hiling niya sa likod ng sobre. Pero bigo siyang masagot ang simple kong katanungan.. Kung bakit niya kailangan ng barya? Sa aking pagkadismaya inabot ko sa batang taong grasa ang sobreng walang laman. Sinundan naman ng abalang abalang mga kapwa ko pasahero. Tulad ko, bakanteng sobre ang inabot nila sa kaawa awang bata. Sa kanyang pagbaba sa jeep na pugad ng mga makukunat na tao, lumipat siya sa kalapit na jeep , baka dito suwertehin siya.

Kung mabigyan ko ng pera ang bata may magbabago ba? Maaring ang maliit na halagang yun ang makabili ng ulam at kanin sa araw na yun. Pero bukas paano na? Habang buhay ba silang manghihingi? Ang kinakatakot ko sa lagay ng bata ay kung alipin ang kanyang murang pag-iisip ng mga sindikato. Malaki ang posibilidad lalo nang hindi pa masolusyunan ng manhid na pamahalaan ang problemang 500 taon ng nakabitin sa pagkatao ni Juan. Paano kaya kung makaipon ang boss ng sindikato at gamitin ang perang naipon para sa pagtakbong pangulo. Presidente na ang boss at gagawin niyang mas malaking sindikato ang gobyernong sindikato na dati. Pero ang batang taong grasa ay nasa kalye parin at pumapara ng jeep.

Saturday, February 21, 2009

DiSConNeCted

Hindi man lang pumasok sa isip ko ang mangarap. Libre na nga lang at walang bayad. Mag-iisip ng kakaiba ng higit sa kakayanan.

Kay rami na ding nilikha ng mga manunulat ang nagpasaksi sa sanlibutan na lahat ay imposible. Mangarap ka, sa tulong ng genie sa lampara, pwede ka ring humiling sa mga fairies, kung gusto mong may kapalit... sa politiko...

Ako ang taong walang kaambisyun ambisyon. Nakukuntento na sa pagkain ng sampalok at paghithit ng sigarilyo araw araw. Buo na ang araw kung magawa ko ito. Walang disposisyon... walang kinabukasan. Rebelde ako, ang kalaban sarili... Ayaw kong mangarap dahil uutuin ko lang naman ang ako. Natatakot sa kakalabasan ng pagiging ambisyoso. Hindi pa man ramdam ang epekto, siguradong iiwas sa kinabukasang hambalos sa pagkatao.

Mangarap ka at abutin mo... Kung kaduwagan ang mamamalagi sa loob, pagsisihan mo ito habang buhay. Maraming pagpipilian... maraming paraan... maraming magiging bunga... makakabuti man o sa kabaligtaran. Ikaw ang kapitan ng iyong barko... ikaw din ang tagalayag, navigator, mga alipin... ikaw ang kabuuan ng iyong tadhana... ikaw ang iyong tadhana... ang mga naniniwala na ang tadhana ay naayon sa guhit ng Diyos... Mga hangal!!!

Mangarap ka para iguhit ang sariling tadhana. Ikaw ang makapagsasabi na iba ka sa nakararami. Hindi mo dapat ibase lahat sa kahangalan at pangkalahatang kamangmangan tungkol sa katotohanan na sinasabi ng relihiyon mo. Maaring mahalaga nga ito sa buhay ng tao pero hindi nito madidiktahan ang patutunguan mo.

Friday, February 20, 2009

Violable

(http://greenpinoy.com)


If you have ten thousand regulations you destroy all respect for the law.
-Winston Churchill

Noong unang panahon daw, kung saan dalawang libong taon pa bago ipanganak si Kristo. Naisipan ng mga Sumer, unang sibilisasyon na naisulat sa kasaysayan ng tao ang gumawa ng lupon ng mga batas. Pero hindi tulad ng kongreso natin ngayon na inaabot ng 2 taon bago maipasa ang simpleng batas... at mas inuuna pa ang magpacute kaysa gumawa ng House Bill... mas aatupagin pa ang pagpapapogi... ahem!!

Ang mga Sumer sa pamumuno ng magaling na si UrNamu... nalimbag ang unang nasusulat na batas... ang "Code of Urnamu".

Pagkatapos ng daang taong pamamalagi ng sibilisasyong Sumer... Hindi naglaon bumagsak din sila sa kamay ng mga Assyrians at ilang grupo na nakakahigit sa kanilang sibilisasyon... Sa walang habas na pag atake ng mga Assyrians sa mga Sumers. Bumagsak din sila sa kamay nito at napunta ang Mesopotamia sa kamay ng mga Warlike na ASSYRIANS...Mesopotamia(Lugar na kung saan nanunuluyan ang mga SUMERS)

Tulad ng lahat ng bagay sa daigdig... hindi habang buhay ang kalakasan ng isang grupo at nasakop din sila ng mga BaByLoNianS... Hindi tulad ng mga Assyrians na ANARCHY nanabubuhay sa DIGMAAN, PATAYAN, at walang batas na umiiral... ang mga BABYLONIANS ay hindi ganoon.

Buti nalang may magaling na pinuno ang mga bagong DIYOS sa Mesopotamia at naisipang gumawa ng mga batas... Buti narin at napasin ni Hammurabi (Pinuno ng mga babylons) na wala ni isang batas na naisusulat. Dehins kasi alam ng kanyang mga kababayan na bawal umihi sa pader ng kastilyo niya at wala naman kasing kaparusahan kung may jumingle man doon. At dahil sa naaburido na rin si Hammurabi dahil sa panghe (amoy ng ihi)... gumawa siya ng bersyon niya ng mga batas... at mga pangalawang naisulat na batas sa kasaysayan ng mundo.... Code of Hammurabi...
Batas...
Batas TrapiKo...
10 Commandments...
Konstitusyon...
Batas ni professor...
baTas... BaTas... BATAS!!!

Sa kasalukuyan ang Pilipinas ang isa sa pinakamaraming naisusulat na batas...(Hindi ko sure kung tama bang sabihin ko na isa sa pinaka... ang alam ko kasi PINAKA na ang bayan natin) Paglabas mo palang ng bahay, bubulagain ka na ng sangkaterbang paalala na bawal magtapon ng basura sa harap ng bahay namin, bawal umihi dito, Keep off the grass, gago bahay namin ito trespassing ka, bawal tumawid nakamamatay... bawal istambay... Haaayysss!!! Bawal mabuhay!!!

Nililimitahan ng batas ang karapatan ng tao para sa katahimikan at kaayusan ng isang lugar. Maganda ang hangarin ng mga babala pero kahit anong dami nito kung magiging dekorasyon lamang ito at gawing katatawanan, para saan at nilikha pa ito. Ano ba talaga ang dahilan kung bakit ang simpleng batas ay hindi masunod sunod? Talaga bang pasaway si Juan Dela Cruz. Mayroon ba talagang Macho Mentality ang mga Pilipino na kapag sumuway sila ay astigin na ang pakiramdam nila. Baka naman ang pag - eexecute ng mga awtoridad ang malaking problema ng bayan natin.

Masarap tumira sa lugar na kakaunti ang mga batas pero disiplinado ang tumitira kaysa sa lugar na maraming paalala. Maraming batas pero walang disiplina!!!
Siguro kapag namatay ako... kung magkataon na mapunta ako sa IMYERNO!! Sanay na ako... dahil sa bayang sinilangan ko ay para naring Hell!! Masyadong maraming batas... Batas... batas... baattaasss.!!!


Monday, February 9, 2009

Ikalimang Yugto - Ang Alamat ng Mahiwagang Mikropono 1 and 2

VaLEnTiNeS EsPEySiyAL

Bago ang lahat, sa mga marunong magbasa na pinilit o nakadroga o kaya sa simpleng trip mode magbasa. Heto po ang link papunta sa mga nagdaang mga post; na may kaunting related (as in konti lang) sa post na babasahin mo ngayon. Reprimand kasing basahin ang ikatlo at ikaapat na yugto para lubos na maguluhan pa lalo sa ikukwento ko ngayon.

IKATLONG YUGTO LINK
(I-copy paste nalang sa address bar)
  • 1st part - "Walong Buwan" link - http://lheztat08.blogspot.com/2008/09/kasaysayan-ikatlong-yugto-walong-buwan.html

  • 2nd part - "Kami na Yahoo!!" link - http://lheztat08.blogspot.com/2008/09/kasaysayan-ikatlong-yugto-kame-na-yahoo.html

  • 3rd part - "Papel at Letra" link - http://lheztat08.blogspot.com/2008/09/punas-puwet.html

  • 4th part - "Climax" link - http://lheztat08.blogspot.com/2008/10/kasaysayan-ikatlong-yugto-climax.html

  • 5th part - "Ang lahat ay magiging imahinasyon na lamang" link - http://lheztat08.blogspot.com/2008/10/kasaysayan-ang-lahat-ay-magiging.html

  • 6th part - "Ang lahat ay magiging imahinasyon na lamang 2" link - http://lheztat08.blogspot.com/2008/10/kasaysayan-ikatlong-yugto-ang-lahat-ay_13.html

  • 7th part - "Ang bangungot ay naging imahinasyon" link - http://lheztat08.blogspot.com/2008/10/kasaysayan-ikatlong-yugto-naging.html

Ikaapat na Yugto

"Rock n Roll"

-Pepe Smith


Hanep sa sipa ang nainom ko ngayon. Bumakat nga sa mukha ko ang horseshoe ng kabayo. Akala ko pa naman dadating si Pepe Smith ng Juan Dela Cruz Band. Kakalabitin ang string ng Electric guitar. Tuturumpit ako sa pagkakaupo at nang maalimpungatan may sexy na babae sa harap at sabay rock n roll ni Smith. Sa patalastas lang siguro nangyayari ito.



Sa kasamaang palad iba ang tumalsik sa mukha ko. Isang plastic cup na pagkatigastigas. Hindi ko namalayan na tinatawag pala ako ng kapwa ko lasenggero na nasa pool. Yung ungas hindi makaalis ng pool kaya ibinato nalang sa akin ang hawak hawak na baso. Puno ng kaliskis na siguro ang balat niya. Buti nalang mapagpasensya ako nung araw na iyon. Naisip ko din kasi na kailangan na nitong magtransform bilang syokoy dahil alas dose na ng madaling araw at kapag iaahon sa tubig baka matuyo ang balat at maging daing.



Hanep sa utos si gago, pakitagayan daw siya. Ok... Pagbigyan, may paki naman. Di naman siya nag-uutos, nakikiusap lang. Tsaka obligasyon ko din silang pagsilbihan at abutan ng tagay. Dehins naman ako tanggero, waiter lang!!!


Konsensya: Pagpasensyahan mo nalang... Extinct na ang mga syokoy sa karagatan ng Pilipinas. Timpi lang madaling magtampo ang syokoy, loner na kasi siya.


Alipin: Ano?


Konsensya: Marami kasi sa lahi niya ang nasabugan ng dinamita dahil sa walang habas na Dynamite fishing. Ehem!!! At ang ilan ay inaalipin sa perya para pagkakitaan ng tao.


(Lumabas ang konsensya ko dahil hawak hawak ang sabong mabango ni syokoy. Wag mong isipin na gayagaya puto maya ako sa patalastas sa T.V. Lumabas ang konsensya sa kadahilanang muntik ko ng ibato "straight to the face" ang sabong ipinapakiusap niyang iabot ko sa kanya.)


Sa wakas umahon din si gago!!! Malaya na ako sa pang aalipin ni prinsipe syokoy.


Sabi ng syokoy lalabas lang daw siya sandali sa resort. Pupuntahan niya ang kapatid na nasa labas. Nasa labas nalang at gusto pang magpasundo.

Bilang dating alipin ng prinsipe, nag alala ako sa kanya. Baka kasi matuyo ang kaliskis nito. Kaya pinabaunan ko siya ng isang jug ng tubig na may asin.

Sabi ni syokoy, "Huh? Para saan naman ito"

Ngumisi lang ang dakilang alipin.

Makalipas ang ilang minuto, naaninag ko ang syokoy na paparating. Sayang at lalatagan ko sana ng "red carpet" pero gahol sa oras. Nagtaka ako bakit wala siyang kasama...

"Where's your brother? akala ko susunduin mo"

"Anong BraDeRR? Sagot niya...

Nagkamali yata ako ng tanong... "Where's the prince your majesty?"

Sa likod naming dalawa... may mahinang may kalambingang boses.

"Kuya?"

"What the...? Babae ang kapatid niya. Oh my gulay ang ganda!!!"

To be continued...

Ikalimang Yugto: Alamat ng Mahiwagang Mikropono 2

Ipinakilala ng prinsipe ng dagat dagatan ang kapatid na galing langit. Kahit anong anggulo ko tingnan, hindi ko parin makita ang pagkakahawig ng dalawang ito. Matangos ang ilong na may pagkakapareho kay Mama Mary ang dalaga. Ang syokoy naman kailong ang sikat na sikat na artistang si Jacky Chan. Sa kulay din ng balat, Malayung malayo!!! Parang araw araw nakabilad ng limang oras ang syokoy. Ang prinsesang kapatid, hindi minsan lumabas ng katanghaliang tapat.

Marami tuloy ang katanungang bumagabag sa aking maliit ng utak tungkol sa pagkatao ng syokoy. Ampon lang kaya siya... Baka naman napulot lang siya ng magulang ng prinsesa sa dike ng ilog pasig. Iniwan kaya ang syokoy ng magulang para sa ikaliligtas niya sa kamay ng mga sirkero. At dadating ang panahon na ipaghihiganti ng prinsipe ang lahi niya. Magiging serial killer na pumapatay ng taga-perya.. (omg!!!) Pwede rin namang siya ang missing link sa ebolusyon ng unggoy sa tao. At kapag ito ay napatunayan ko, siguradong maiimprenta ang pangalan ko sa science textbook na mali mali. Patay tayo dyan, nakalinya na ako sa mga litrato ng Filipino scientist na di kilala halos ng mga kabataang Pinoy. Pero hassle din siguro yun... Baka dumugin ako ng mga galit na galit na Pilipinong ayaw matanggap na galing sila sa unggoy... at worst sa syokoy.

Bumalik ulit ako sa tamang pag iisip ng ngumiti ang dalaga.

"Hoy mga pare bawal talo talo!!! KAPATID KO YAN!!!" wika ng syokoy na may tunog ng kahambugan...

Nakita ko sa expresyon ng mukha ng mga kasama ko na gustong humirit sa shokoy ng "OooowwwSSS!!!" Pero sa kabutihang palad wala ni isang naglakas loob. Pagbigyan na endangered eh...

Tuesday, February 3, 2009

Kinagat ng lintik

Parte na ng ating makulay na kultura ang tungkol sa mga aswang. Sila ang mga ka-weirdung nilalang na half breed kung tawagin. Kalahating tao at hayop kung minsan. may madudumi, mahahaba at nagtutulisang kuko at ngipin. Kumakain ng hilaw na laman loob ng hayop na normal mong makikita sa stand ng paborito mong ihawan sa kanto. Bukod sa mga bituka, dugo, atay, apdo ng mga hayop, trip din nilang gawing happy meal ang mga friends nila. (Tayo po iyon)

Astig ang mga kaibigan nating maneater!! Bakit ko nasabi?

Bukod kasi sa tulog sila sa umaga tulad ng mga gimikerang burgis (sama mo narin ang mga masang jologs) na basag sa ecstasy. Dilat na dilat ang mga aswang dahil ito ang oras ng kanilang pananghalian. Bubong ng mga kabahayan ang lagi nilang tambayan. Kutkot dito kutkot doon. Kapag nabutas na ng pobreng aswang ang kinakalawang na yero ng kaawaawang biktima. Ipapasok niya ang dila nito sa maliit na butas. Didiretso sa tiyan ang 3-6 metro nitong dila para straw-win ang dugo ng kanyang prey. Yum Yum!!!

INTERVIEW WITH THE ASWANG

Nang makausap ko ang tropa kong kumakain ng tao. Ang pinakamasarap na tsinogbu raw niya ay mga sanggol. Malambot at oh so yummy daw ang laman nito. Lasang gatas ang dugo... kaya payo niya sa akin kung sakaling gusto niyang pumanig ako sa side ng kadiliman. Maging tulad nilang mga aswang. Tsumibog daw ako ng sanggol, "a day kasi nito makes a doctor away" Rapmasa na!!! Rich in calcium pa at low in fat. Good for the heart pa nga daw at pampataas ng IQ. (Parang nagpapatalastas lang ako ng gatas)
Naitanong ko rin sa kanya kung kumakain siya ng mga senior citizens, na agad niya namang sinagot ng paarte effect na "EEeeWWW!!!" Hindi nya daw kinakain ang mga matatanda dahil bukod sa lasang hukay kailangan pa daw itong pakuluan ng anim na oras para lumambot.
Akala ko savage creature lang sila. Aba lai ako dahil tulad ko, demanding at uber arte din pal. Biro lang kaibigan baka gawin mo akong happy meal mamyang gabi... Peace!!!

Favorites at "must not be eaten because its so eeewww!!!" Ang ilan sa mga trivia na nalaman ko sa kanila. Maliban dito, nabanggit nya din na may "prohibited food" ang mga aswang. Nasa konstitusyon pala nila ito at matinding kaparusahan kung sino man ang lumabag. Ang sino mang aswang na napatunayan na ngumasab ng kapwa niya aswang ay itutuhog sa bamboo stake hanggang mamatay at lalagyan ng papel sa noo. Ang nakasulat sa papel ay "Wag tularan pumapatay ng tao." KEWL!!!

Kinulit ko pa ang kaibigan kong man eater sa kakatanong tungkol sa kultura nila. At harinaway di pa siya nayayamot sa akin. Salamat!!! Wala pa namang lumalabas na nagtutulisang mga ngipin. (Lunok laway!!!)

Ang huling katanungan ko ay kung bakit dehins nilang tinatarget ang mga abusadong mayayaman. Kasi naman, wala pa akong nababalitaang; Coquanco natagpuang walang puso, o kaya naman... Tan warat warat sa kalye trese...

Sana naman yung mga kapitalista nalang ang biktimahin ng mga kapatid nating aswang. Masarap naman ang kinakain nila. Mas triple pa ang sarap at sustansya na makukuha sa mga mayayaman kesa sa sanggol ng mga mahihirap na umiinom lang ng UM.

Bakit mga pobreng probinsyano lang ang laging binibiktima imbes na mga mayayamang hacienderong demonyo?

Natawa nalang ang aswang kong kaibigan. Nasa batas daw nila na "prohibited food" ang mga mayayaman...

Langhiya naman pati ba mga aswang na susuhulan din. Binabayaran ng mga walang hiya para ubusin ang mahihirap. At kapag naisakatuparan na ang kanilang maitim na plano, isusunod na nila ang lahi ni petrang tikbalang, Dudung kapre, Tinyong mambabarang... Para nga naman sila lang ang matira!!! Wala nang mahirap sa Pilipinas!!! Mayaman na uli si Juan Yabang at taas noong kabilang na sila sa 1st world country.

Bumaba ang tingin ko sa lahi ng kaibigan ko. Pinakita niya na malaki ang gap ng mga mayayaman sa mahihirap. May nagdidikta kung sino lang ang pwedeng iluto at gawing menudo, adobo, ginataan, mechado, afritado, arroz caldo (kung di sapat ang budget!!??)

Binuhos ko sa kanya ang poot at pagtatampo kahit man aswang pa siya at ilang sandali ma'y kayang kaya niya akong ulamin. Sumigaw ng may pagtataka!!! Inilabas ang inis sa narinig na kagaguhan...!!!

Bakit kami lang?

Bakit kami na wala na ngang makain at inaapi?

Bakit?

Tumayo ng tuwid ang kausap ko na nakaposisyong mag foo-foodtrip!!! (nakadalawang sunod na lunok laway ako)

"Well yah stop it" (tunog ghetto!!)
"Mellodramatic ka masyado!!!" (Wow sosyal mellodra... watever!!!)
"Ungas ka talaga!!! (wala na squatter na)
"Wala naman akong nabanggit na nasusuhulan kami. Masyado kayong mapanghusga."
"Nalimutan mo ba na wala ngang talu-talo. Remember!! Bawal ang kalahi!!!"
"Hindi nga sila direktang kumakain ng tao na sinasabi ng folk legend niyo!!!"
"Pero tulad naming mga aswang!!! Ang banal at dakilang obligasyon nila sa mundo ay harasin at maging predator ninyo!!!" Kainin kita eh!! Bobo mo!!!

:P : Ayy sori... My bad!!!





Sunday, January 25, 2009

Credo, Quia Absurdum

We make war that we may live in peace.” -Aristotle

Sobrang puyat na naman ako ngayon. Grabe na ito dahil limang daang tupa na ang paulit ulit na tumatalon sa utak ko pero hindi parin ako mabigyan ng visa sa "Dreamland". Mahigit tatlong oras narin akong nakatutok sa tv na walang permanenteng channel. Lipat dito, lipat doon... Heto na yata ang pinakaboring kong gabi at nakuha ko pang mag-aksaya ng kuryente. Bakit kaya di ko nalang naisipang patayin nalang ang T.V at magbilang na lamang ng tupa? Nagpataas lang ako ng bill sa kuryente na hanggang ngayo'y usapin parin kung paano hinohocust focus este kinocompute ang bayarin natin buwan buwan. Haayy Buhay!!!
Bagamat walang kakwenta kwentang gabi, nagbunga naman ito ng walang kakwenta kwentang article sa walang kakwenta kwentang blog na pinagtyatyagaan mong basahin dahil sa sinabi ko sayo... so pathetic talaga...
Simula...
Habang konsumido dahil walang mapanood... sa hindi sinasadyang pagkakataon... ang hindi pasadyang pagpindot sa remote. Nalipat ko sa local channel ang T.V na inaapoy na ng lagnat dahil sa walang habas kong panonood. (Hulaan nalang sa dalawa kung anong istasyon ng T.V...
2 o 7... isa pang clue hindi ako nanonood ng 7)
Astig na kanta ang naabutan ko. Ang tema bagong simula. Nakapagpapaalab ng damdaming makabansa ang video kapag pinanood mo. Parang gusto mo ng simulan ang pagbabago sa ikabubuti ng bansa mo. At matapos ang mumunting video, babalik ulit sa dating ikaw na nagbebenta ng boto tuwing eleksyon o kaya iihi ka na naman sa pader na may babalang "Hoy Gago!!! Bawal Umihi Putol CENSORED
Bagong simula; paulit ulit na mensahe pagkatapos ng putukan. Kasimpleng mensahe na taon taong humahamon kay Juan at nagbibigay pag asa sa kanyang humarap sa seryoso nitong problema. Ngunit hindi ganoong kadali maisakatuparan ang bagong simula. Marapat mo muna nating harapin ang pansariling kapalaluhan at mga kahinaan. Mahirap naman kasi na gusto mong may magbago na pangkalahatan pero sa sarili mo naman palpak ka na. Ayan ang pinakamahirap na proseso ng pagbabagong simula dahil ang kalaban mo ay di lamang ang panghuhusga ng iba na nakasanayan ng mamuhay sa bulok na siste... kaaway mo rin ang sarili mong takot... at ito ang dahilan ng karamihan kaya takot sa pagbabago...
Speaking of sa pagbabago, maka ilang beses narin tayo na lumabas sa kalsada para sa bagong simula. Nang sipain natin ang diktador na si Marcos, buong pusong hinarap nang lahat ang pagbabagong hatid ng bagong administrasyon. Ngunit makalipas ang labing apat na taon inulit ulit natin ang paninipa sa pwesto. Nang sipain natin sa pangalawang pagkakataon ang lider nating depektibo noong taong 2001 at hihirit pa tayo ng isa ng maupo ang iniluklok natin ng sipain natin ang bobo... Paulit ulit... nakakasawa na... Dyosko po!!!
Sabi nga ni Gat Jose Rizal, hindi pa daw handa ang mga Noypi noon para sa kalayaan, tiis tiis daw muna dahil hindi pa tayo gaanong kahinog... Immature pa raw si Juan..." Nang makarating kay Ka Andres ang ipinahayag ng kanyang idolong si Rizal. Painsulto niya itong sinabihan ng "Chicken!!" PooKK!!pooKK!!!
Maturity lang siguro ang kulang sa atin. Ayan siguro ang dahilan kung bakit paulit-ulit tayong nauuwi sa pagkakamali. Ano ba talaga ang solusyon sa sakiting bayan. Ang lipunang may malalang kanser!!! Kulang ba tayo sa karanasan at kasaysayan at kailangan pa nating magkaroon ng digmaang sibil. Tama isang malupit na digmaan...
Daang libo nga ang mamamatay na sundalo, politiko, doktor, sanggol, pangarap!!! Ngunit matapos malibing ang lahat ng ito at makonsensya ang nalalabing populasyon na nakaligtas lang ata dahil sa swerte o kaduwagan. Maaring ito na siguro ang bagong simula. Guguho ang bulok na sistema at kasabay nito ay ang mapanupil na ideyolohiya.
Mumultuhin ang lahat ng nabubuhay at sa lupang nawisikan ng dugo... Tutubo ulit ang bagong lipunan. Sa mga katawan ng mga bayani na bunga ng digmaan huhugot ang susunod na henerasyon ng inspirasyon. Ang digmaan ay di lamang nakapagpunla ng bagong lipunan kundi pati mga bagong bayani na titingalain... Maaring mabato ako ng kritisismo sa paniniwala kong ito!!! Pero wala tayong magagawa ito ang Credo Quia Absurdum na pinaniniwalaan ko.
Matapos ang pagbibilang ng mga tupa, nakatulog na si Loglog!!!!

Inflagrante de licto